by Info @Editorial | July 5, 2024
Laganap pa rin ang ilegal na droga. Bultu-bultong shabu ang nakukumpiska at maraming tulak ang nahuhuli. Ang masaklap, nasasangkot naman sa iba’t ibang krimen ang mga gumagamit nito.
Hindi lang sarili ang inilulubog sa bisyo, damay din ang pamilya at mga taong walang kamalay-malay.
Marami na ang biktima ng panggagahasa at pagpatay na ang suspek ay pawang mga lulong sa droga.
Ganundin ang mga naitatalang aksidente na kung hindi nasa impluwensiya ng alak ay naka-drugs.
Kaugnay nito, isang magkapatid na driver at konduktor ng isang bus ang inaresto dahil “high” umano sa droga habang pumapasada.
Isang pasahero ang nagsumbong sa mga otoridad na tila bangag umano sa droga ang magkapatid na drayber at konduktor, kung saan, may nakita rin umanong droga at paraphernalia sa loob ng bus.
Nakababahala ang insidente. Paano kung may nakakalusot ngang ganitong gawain sa mga drayber ng pampasaherong sasakyan? Ilang buhay ang nasa kanilang kamay na puwedeng mawala sa isang iglap.
Kaya panawagan sa kinauukulan, magkaroon ng regular na drug testing sa mga PUV drivers. Huwag hayaan na malagay sa alanganin ang buhay ng publiko.
Magsilbi sana itong paalala sa mga operator na bantayan ang mga tsuper. Tiyakin na nasa maayos silang kondisyon bago bumiyahe at hindi nasasangkot sa anumang ilegal na gawain.
Comments