Drug test pa more para maraming adik na hepe ang masibak
- BULGAR
- Sep 1, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | September 1, 2023
ANG GAGANDA NG NGITI NG MGA TRAPO SA PALDONG CONFIDENTIAL FUNDS -- Sa budget deliberation sa Kongreso, kapuna-puna ang naglalakihang confidential at intelligence fund ang inaaprub ng mga kongresista para sa mga tanggapan ng mga trapo (traditional politicians), at dahil paldo ang nakuhang confi funds, after ng budget deliberation ang gaganda ng ngiti ng mga trapo.
Pero kapag ayuda na ang tinalakay para sa mga magsasaka, mangingisda, tsuper at maralita, kakarampot na budget lang ang ipinagkakaloob ng mga kongresista, saklap!
◘◘◘
INIHALAL NG TAUMBAYAN SI SEN. PADILLA PARA GUMAWA NG MGA BATAS, AT HINDI PARA MAGING SPOKESMAN NI EX-P-DUTERTE -- Kamakailan ay nag-privilege speech si Sen. Robin Padilla para ipagtanggol si ex-P-Duterte, na kesyo hindi raw ang ex-president ang nangako sa China na ipapatanggal ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na sakop ng karagatan ng Pilipinas.
Sa ginawang ‘yan ni Sen. Padilla ay na-bash siya sa social media dahil nagmistula siyang spokesman ni ex-P-Duterte, gayong isa siyang senador.
Dapat isalpak ni Sen. Padilla sa kanyang kokote na siya ay inihalal bilang number 1 senador ng bansa upang gumawa ng mga batas para sa kapakanan ng bayan at mamamayan, at hindi para mag-astang spokesman ni ex-P-Duterte, period!
◘◘◘
DAPAT TULARAN NG IBANG RD ANG GINAWA NI NCRPO GEN. NARTATEZ NA PAGSIBAK SA MGA ADIK NA HEPE -- Sibak sa puwesto ang hepe ng Mandaluyong City police na si P/Col. Cesar Gerente nang magpositibo sa sorpresang drug test na isinagawa ng mga opisyal ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa mga hepe ng pulisya sa Metro Manila.
Sana, gawin din ng ibang police regional director ang ginawang ito ni NCRPO director, P/Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. para masibak din ang ibang adik na hepe sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad sa bansa, period!
◘◘◘
RAID LANG NANG RAID SA MGA IMBAKAN NG BIGAS, PERO WALA NAMANG KINAKASUHAN AT IPINAKUKULONG -- Ipinag-utos ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) sa mga law enforcement agency na i-raid ang mga bodega na naghu-hoard ng mga bigas.
Sana, ang utos ng presidente na mang-raid, ay dinagdagan niya ng sampahan ng kaso at ikulong ang mga rice hoarders.
Ang masaklap kasi, raid lang nang raid, tapos wala namang nababalitaan ang publiko na ang nag-hoard ay sinampahan ng kaso at ikinulong, tulad sa ginawang raid sa tatlong warehouse ng bigas sa Bulacan, ni-raid lang, pero hanggang raid lang at walang nangyaring sinampahan ng kaso at ikinulong ang rice hoarder sa Bulacan, boom!





Comments