top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Drug money, nangangamoy sa bgy election

Writer: BULGAR
BULGAR
May 29, 2023
3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 29, 2023


Kamakailan ay nagsumite tayo ng P.S. Resolution No. 564 na naging dahilan upang ipatawag at imbestigahan sa Senado ang mga high-ranking official na nasangkot sa P6.7 bilyong drug-bust na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa tapos dahil sa nagaganap na cover-up ng mga sangkot.


Kaya ngayon, kasalukuyang nakaditine sa detention cell ng Senado sina Police Master Sgt. Carlo Bayeta, Patrolman Hasan Kalaw, Patrolman Dennis Carolina, Patrolman Rommar Bugarin at Patrolman Hustin Peter Gular. Kasama rin ang superior ni Msgt. Rodolfo Mayo na si Lt. Col. Arnulfo Ibanez.


Patigasan ngayon ang Senado at mga nakaditineng kaanib ng Philippine National Police (PNP) kung sino ang matitirang matibay, pero iisa lang ang aming tugon—hinding-hindi kami papayag hangga’t hindi nila ipinagtatapat kung sino ang nasa likod ng P6.7 bilyong halaga ng drugs na ito.


Noong Huwebes, nag-anunsyo ang Department of Interior and Local Government (DILG) na sa loob umano ng sampung araw ay ilalantad na ang mga opisyal ng PNP na sangkot sa iregularidad sa pagkakasamsam ng P6.7 bilyong halaga ng shabu noong Oktubre 2022.


Tulad ng DILG, lumalabas din sa imbestigasyon sa Senado na ang isinumiteng video ay ‘speak for itself’ na isang patunay sa nangyari sa drug operation at sa pagkakaaresto kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. na harap-harapan namang itinatanggi ng mga sangkot na operatiba.


Nakakapangamba na hindi natin matutukoy kung sino ang mga nasa likod ng napakalaking halaga ng shabu na nasakote, dahil ngayon ay may impormasyon ang pamunuan ng PNP hinggil sa mga narco-politician na magtatangkang tumakbo sa darating na Barangay at Sangguniang Election (BSKE).


Kasama sa nais mapigilan ng PNP ay ang magamit ang drug money ng mga sindikato para makapamili ng boto at maipanalo ang mga kandidatong kalaunan ay sila nang mamamahala sa pagpapakalat ng ilegal na droga.


Ayon mismo kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda, nasa 430 barangay officials ang nasa ilalim ng kanilang monitoring na pawang sangkot sa operasyon ng ilegal na droga na labis na nakababahala kung hindi natin ito mapipigilan.


Marami umano sa mga binabantayang opisyal ng barangay ay kabilang mismo sa listahan ng PNP na high-value individuals at street-level individuals sa inilusad nilang giyera laban sa droga—kumbaga, tukoy na ang mga barangay officials na ito.


Sa ngayon, dahil nag-leak ang impormasyong ito ay inaasahan natin na magpapalamig muna ang mga ito, posibleng may matakot at tuluyan nang huminto ngunit tiyak na marami na ang sanay kumita ng malaki ito ang mga hindi titigil sa pagpapakalat ng droga.


Ayon sa datos ng PNP, ang mga opisyal ng barangay na ito ay hindi basta-basta ang pagkakasangkot sa bawal na gamot dahil ang iba ay sila mismo ang nagtutulak, ang iba naman ay protektor at ang iba naman ay sila mismo ang namumuhunan.


Ngunit sa humigit-kumulang 430 na tukoy ng barangay officials na sangkot sa illegal drug trade, karamihan umano sa kanila ay mula sa Region VI (Western Visayas) at ang iba ay nagmula na sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Nakataya ang kinabukasan ng ating mga anak at apo, sakaling maluklok sa puwesto ang mga kaanib ng sindikato ng droga dahil tiyak na maraming kabataan ang maaadik at muli ay tataas ang krimen na hindi na dapat natin payagang mangyari.


Marahil, panahon na upang hikayatin o gawin nating requirements sa mga kandidato sa darating na eleksyon na sumailalim sa drug test upang malaman kung sinu-sino ang mga gumagamit ng bawal na gamot.


Marami sa mga kaanib ng sindikato ng ilegal na droga ang hindi gumagamit ng bawal na gamot dahil alam nila kung gaano kasama ang epekto nito, lalo na ‘yung mga kaanib ng PNP at mga nasa gobyerno.


Sana ay pag-aralan ng PNP kung paano maipaparating sa taumbayan kung sinu-sino ang mga kandidatong sangkot sa droga kung hindi agad nila ito maaaresto upang makasiguro tayo na hindi na sila maluluklok sa puwesto.


Nakatakda ang ating eleksyon sa barangay at sangguniang kabataan sa darating na Oktubre 30 at malaking hamon ito sa pamunuan ng PNP at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung paano mapipigilan ang nagbabadyang pagkilos ng mga drug lord.


Sa ngayon, buong pagtitiwala nating pinanghahawakan ang pahayag ng PNP at PDEA na hindi umano makakalusot ang mga pulitiko na sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga, tutal kilala na naman nila kung sinu-sino ang mga ‘yan.


Sa susunod na pagdinig sa Senado, muli nating haharapin ang mga nakaditineng kaanib ng PNP na posibleng ipagtapat na kung ano talaga ang tunay na nangyari sa P6.7 bilyong drug-bust na malaking tulong para may mapanagot sa kaso at maibsan na ang pagkalat ng bawal na droga.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page