Droga sa 'Pinas, patindi nang patindi, paano na?!
- BULGAR
- Feb 23, 2023
- 1 min read
@Editorial | Pebrero 23, 2023
Sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs, nabulgar na tuloy pa rin ang recycling ng ilegal na droga.
Tinatawag itong ‘savings’ kung saan, kinukubra na ang droga bago pa man maisumite bilang ebidensya. Ibig sabihin, namamayagpag pa rin ang mga ‘ninja cops’.
Ito pa ang nadagdag sa bulok na sistema, ‘yung mga asset o tipster, may sarili ring istayl.
Mismong si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Moro Virgilio Lazo ang nagbulgar na humihingi raw ng tatlumpung porsyento ng nakukumpiskang ilegal na droga ang ilang mga nagsisilbing asset ng gobyerno.
Aniya, sa halip na pera, mismong ilegal na droga ang gustong reward ng mga asset.
Iginiit naman ni Lazo na tinanggihan niya ang hirit na ito ng ilang assets.
Kaya hindi nakapagtataka na bumabaha pa rin ng droga, bumabalik lang din sa kalsada.
Para humirit ang isang asset ng mismong droga bilang kapalit sa pagnguso sa mga sangkot sa illegal drugs, masasabing hindi na ito bago, maaaring ngayon lang nabulgar pero posibleng matagal nang kalakaran.
Kaya hindi na uubra na basta lang umamin ang kinauukulan na talamak pa rin ang droga o inire-recycle pa rin ang mga nakukumpiskang drugs, dapat ay mas lumaban at kumilos para mapanagot ang mga drug lord, tulak at protektor.
Habang maraming buhay ang nawawasak dahil sa bawal na gamot, nagpapayaman naman ang mga nagpapakalat nito at tiyak na nagtatawanan pa.
Iparamdam sana ng gobyerno na may batas, patunayan na seryoso tayo sa giyera kontra droga bago pa mahuli ang lahat.



Comments