top of page
Search
  • BULGAR

Drayber at bus, tiyaking nasa kondisyon bago lumarga

@Editorial | December 7, 2023


Malungkot na Pasko ang pinagdaraanan ngayon ng mga pamilya ng hindi bababa sa 25 katao matapos silang masawi sa isang aksidente sa bayan ng Hamtic, Antique.

Kamakalawa nang hapon nang mahulog sa bangin ang bus kung saan, ayon sa inisyal na ulat, sa 53 sakay ng bus, agad na nasawi ang 25, habang sa ospital naman pumanaw ang tatlong iba pa.


Labing-anim na sakay pa ng bus ang malubha umanong nasugatan.

Galing umano ng Iloilo ang bus at papuntang Culasi, Antique nang mahulog ito sa bangin sa KM 174, Igbucay, Hamtic.

Sa inilabas na statement ng pamunuan ng bus company, boluntaryo na nilang sinuspinde ang prangkisa ng 12 pang ibang mga bus. Ini-report na rin ang insidente sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at handa umano silang makipagtulungan para sa anumang imbestigasyon.

Samantala, ayon naman sa isang opisyal sa lalawigan, matagal na silang humingi ng tulong sa national government dahil marami na rin umanong naunang naaksidente sa lugar. At itong huli, nahulog ang bus sa bahagi ng highway sa bundok na walang harang.


Nilaparan na umano ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kalsada sa lugar at naglagay ng cement barrier pero hindi pa rin umano sapat.

Bagama’t hindi natin alam kung kelan mangyayari ang mga bagay na 'di inaasahan, mas mainam na gumagawa pa rin tayo ng paraan upang maiwasan ito.

Apela sa gobyerno, tiyaking maayos at ligtas na magagamit ng publiko ang mga kalsada.


Ganundin ang panawagan sa mga kumpanya ng PUVs at sa mga tsuper, bago bumiyahe, dapat nasa kondisyon ang lahat.



0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page