top of page
Search
BULGAR

Drag racing sa marcos highway, talupan

ni Ryan Sison @Boses | June 23, 2024


Boses by Ryan Sison


Bukod sa maingay at nakakaistorbo, peligroso ang nangyayaring ilegal na drag racing sa kahabaan ng Marcos Highway sa Pasig City. 


Kaya naman ikinaalarma na ito ng mga residente sa lugar at inireklamo sa pulisya ang illegal car races, na kadalasang nagaganap tuwing dis-oras ng gabi hanggang madaling-araw.


Sa isang video ng insidente, makikita na dalawang sasakyan ang nagkakarera sa kahabaan ng naturang highway. Dalawang motorsiklo naman ang nagsisilbing tagaharang ng ibang motorista upang maging maluwag at malinis ang kalsada, at para gawing race track ang Marcos Highway.


Ayon kay Pasig City Sub Station 8 commander Police Capt. Danio Latoja, ala-1 hanggang alas-2 ng hatinggabi, may tumawag sa kanila na isang residente kung saan ini-report na may nangyayaring ilegal na karera ng kotse, kaya agad na rumesponde ang mga pulis sa nasabing lugar. Gayunman, nang dumating ang kapulisan ay nagsitakbuhan ang mga sangkot sa drag race habang dalawang motorsiklo ang naiwan.   


Sinabi naman ng mga taga-barangay na nakikita nila ang mga illegal racer subalit, hindi sila deputized na mag-isyu ng mga tiket para sa mga traffic violation.


Giit ni Lantoja, maaaring binabantayan din ang kanilang mobile na sa tuwing iikot sila sa lugar ay nagpupulasan ang mga ito. At kapag nakalayo na sila ay doon nila ginagawa ang drag racing. 


Isa sa mga motorcyclist na nagtangkang bawiin ang kanyang na-impound na motor ay nagsabing pinagmulta siya ng P4,400 dahil sa paglabag sa Anti-Drag Racing Ordinance ng lungsod. Siya at ang iba pang nakamotorsiklo ay mahaharap sa mga kaso para sa reckless driving.  


Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga driver ng dalawang kotse na sangkot sa drag race.


Nakakabahala ang nagaganap na ilegal na karera ng mga sasakyan sa lugar, lalo pa at highway.


Ang siste rito, walang habas ang mga driver sa pagpapatakbo ng kanilang mga kotse at hindi alintana kung sila man ay maaksidente o makadisgrasya ng iba. 


Malaki rin kasi ang pusta rito, kaya naman balewala sa kanila basta hindi mahuhuli ng mga otoridad. Kumbaga, may mga lookout din para madali silang makaalis sa pinangyarihan.


Dapat sigurong imbestigahan ito para naman hindi na maulit pa at walang mangyaring aksidente.


Paalala sa ibang kababayan, iwasan na lang sana natin ang ganitong gawain. Hindi kasi ito nakakatulong bagkus delikado pa na maaari ninyong ikamatay habang puwedeng may mga taong madadamay. 


Hiling din natin sa kinauukulan na tutukan sana ang mga lugar na madalas na ginagawang drag racing para matigil ito habang parusahan ang sinumang lalabag sa naturang ordinansa.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page