DPWH nag-aaksaya lang, kaya dapat bawasan ng budget
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | October 13, 2023
ATAKE NI-EX-P-DUTERTE KAY SPEAKER ROMUALDEZ, SABLAY! -- Ikinagalit ni ex-P-Duterte ang hindi pagbibigay ng Kongreso ng confidential funds sa anak niyang si Vice President, Dept. of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio, kaya’t ang tirada ng ex-president ay bago raw tumakbong presidente si House Speaker Martin Romualdez ay dapat daw na talupan ito ng Commission on Audit (COA) sa ginagawang corruption umano sa House of Representatives.
Kaya lang, ang atakeng ito ni ex-P-Duterte kay Speaker Romualdez ay sablay, kasi ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, binusisi na ng COA nitong nakalipas na October 2, 2023 ang pera ng bayan na nasa Kongreso at ayon sa kanya ay pasado sila sa pagsusuri na ibig sabihin ay walang nakitang anomalya rito ang COA, period!
◘◘◘
DAPAT IPALIWANAG NI EX-P-DUTERTE SAAN NAPUNTA O GINASTOS ANG KANYANG P21-B CONFI AT INTEL FUNDS -- Sa anim na taong panunungkulan ni ex-P-Duterte bilang presidente ng bansa, ay umabot sa P21 billion ang napuntang confidential at intelligence funds (CIFs) sa kanyang tanggapan sa Malacañang.
Kaya’t dapat maghanda na si ex-P-Duterte ng isasagot tungkol dito, kasi baka rumesbak sa kanya si Speaker Romualdez at utusan ang COA na talupan ang ex-president kung saan nito dinala o ginastos ang P21-B confi at intel funds, boom!
◘◘◘
SA MGA LAW ENFORCEMENT AGENCY NA TULAD NG PNP-ANTI-CYBERCRIME AT NBI-ANTI-CYBERCRIME, IBIGAY ANG P300M CONFI FUNDS, HUWAG SA DICT -- Nais ng ilang senador na ang P300 million confidential fund na inalis ng Kongreso sa tanggapan ng Dept. of Information and Communications Technology (DICT), ay ibalik o ibigay sa DICT.
Aba teka, bakit sa DICT ibibigay ‘yan eh, hindi naman law enforcement agency ang DICT.
Dapat, ang P300 M confi funds na ‘yan ay hindi sa DICT ibigay, kundi sa PNP-Anti-Cybercrime Group at NBI-Anti-Cybercrime Unity kasi ang dalawang tanggapan na ‘yan ay mga law enforcement agency na may mandatong manghuli ng mga hackers, scammers at iba pang kriminal, period!
◘◘◘
DAPAT BAWASAN ANG BUDGET NG DPWH, KASI INAAKSAYA LANG ANG PERA NG BAYAN -- Isa ang Dept. of Public Works and Highways (DPWH) sa dapat bawasan ng pondo ng mga senador at kongresista.
Sa budget hearing kasi ay sinabi ni DPWH Sec. Manuel Bonoan na kaya raw nila sinisira ang mga maayos na kalsada ay para raw makatipid ang gobyerno, kasi kapag sira na raw ang kalsadang kanilang gagawin ay mas malaki raw ang magiging gastos.
Mantakin n’yo, maayos na kalsada, sisirain tapos ay gagawin uli, eh sa totoo lang, pag-aaksaya sa pera ng bayan ang diskarteng ganyan kaya’t dapat bawasan ng mga sen. at cong. ang budget ng DPWH, boom!





Comments