top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

DOT at LGU, dapat magkasundo sa travel protocols

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 30, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | January 30, 2022



Dahil sa COVID-19 surge sa pagpasok ng taon, nagpatupad ng ilang paghihigpit upang mabawasan ang hawahan.


Kabilang na ang pagtaas ng alert level sa National Capital Region (NCR) at pagdaragdag ng travel requirements sa mga tourist destination tulad ng mandatory antigen test.


Pero dahil sa karagdagang requirement, ang ending ay apektado ang ilang negosyo.


Kaugnay nito, naghain ng petisyon ang isang grupo ng mga negosyante sa Puerto Galera, kung saan ikinatwiran ng grupo na simula nang ipatupad ang polisiyang mandatory negative antigen test sa lahat ng turistang at residente na papasok sa Oriental Mindoro, bumagsak ang turismo sa Puerto Galera.


Noong Nobyembre at Disyembre, nasa 1,500 na ang average tourist arrival sa Puerto Galera, pero sa kasalukuyan ay hindi pa umaabot sa 10% ang occupancy rate sa mga hotel.


Giit ng grupo, mataas na ang vaccination rate sa Puerto Galera kaya maaaring magluwag sa mga bakunadong turista.


Ngunit naninindigan ang lokal na pamahalaan na kailangang ipatupad ang polisiya hinggil sa antigen test para sa mga papasok sa Oriental Mindoro, maging residente man o turista.


Bagama’t wala nang COVID-19 cases sa lalawigan sa pagpasok ng 2022, lumobo sa 219 ang aktibong kaso, kaya makalipas ang ilang araw, kinailangang maghigpit muli sa pagpapapasok sa lalawigan dahil baka hindi kayanin ng health system nito ang dami ng mga kaso.


Habang nauunawaan nating kinakailangang ipatupad ang ilang mga pag-iingat, nakalulungkot dahil talagang apektado ang mga negosyo.


Ngunit ngayong may pagluluwag para sa mga biyahero mula sa labas ng bansa, dapat payagan ding magluwag para sa mga lokal na turista.


Kaya naman, dapat lang makipag-usap ang Department of Tourism (DOT) sa lahat ng local government units (LGUs), partikular sa mga tourist destination. At ang isa sa mga kailangang mabigyang-linaw ay kung kailangan pa nga ba ang antigen testing para sa mga turista.


Mahalagang magkasundo ang DOT at LGU sa usaping ito. Kailangang magkaroon ng malinaw na panuntunan nang sa gayun ay matulungan natin ang naturang sektor na makabangon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page