Donaire ikinakasa ng WBC kay Gaballo; Magsayo, abangan
ni Gerard Arce - @Sports | September 22, 2021

Dumating na ang sandaling magkakaharap muli ang dalawang Pinoy boxers para sa World title matapos ipag-utos ng World Boxing Council na idepensa ni bantamweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire kay undefeated Filipino interim titlist Reymart “The Assassin” Gaballo bilang mandatory challenger, habang matutupad na ang pangarap ni featherweight contender Mark “Magnifico” Magsayo para sa isang title fight.
Sapul nang mapagwagian ni Donaire (41-6, 27KOs) ang WBC title noong Mayo 29 ng patunayan nito sa edad na 38-anyos na may maibubuga pa nang patumbahin at tapusin sa 4th round si dating WBC champ Nordine Oubaali ng France sa Carson, California, itataya na nito sa unang pagkakataon ang titulo laban sa mas batang kalaban.
Inihayag ni Sanman CEO at Founder Jim Claude Mananquil na isang malaking karangalan para sa 25-anyos na tubong Polomolok, South Cotobato na makatapat ang four-division World titlist na panahon na para kay Gaballo, para makasungkit ng world title.
“It will be an honor to fight a legend like Nonito. This will be great and it’s Reymart’s time now,” pahayag ni Mananquil sa panayam ng Bulgar Sports sa online messaging. “Gaballo will be the new champion,” dagdag ng boxing promoter.
Dumating naman ang pinakahihintay na pagkakataon para sa 26-anyos na tubong Tacloban, Leyte na si Magsayo na matupad ang matagal na pinapangarap na world title fight matapos ang knockout victory kontra sa dating world titlist na si Julio Ceja ng Mexico via 10th round KO sa undercard match nina Manny “Pacman” Pacquiao at Yordenis “54 Milagros” Ugas.
Dahil rito ay itinalagang mandatory challenger si Magsayo (23-0, 16KOs) para kay long-time WBC Featherweight title holder American Gary Russell Jr. (31-1, 18KOs).
“God is good. Lagi akong magsisikap pa para sa pangarap ko, sa pamilya ko at sa bayan ko,” wika ni Magsayo sa kanyang Facebook account post.





Comments