top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Dolomite Beach, pinapasyalan kahit sarado

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 18, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 18, 2021



Bagama’t nananatiling sarado ang Dolomite Beach sa Roxas Boulevard sa Maynila, patuloy pa rin itong pinapasyalan.


Matatandaang dinadagsa ng libu-libong tao kada araw ang naturang beach mula nang luwagan ang alert level sa National Capital Region (NCR), ngunit ipinasara ito dahil hindi pa tapos ang mga rehabilitation work sa lugar.


Ngunit kahit sinabing bawal, may mga pumupunta pa rin sa lugar at nagbabaka-sakaling makapasok at kumuha ng mga litrato. ‘Yun nga lang, hanggang sa bay walk lamang sila maaaring makapamasyal, pero hindi sila pinapasok sa mismong beach area.


Kaya naman, may nakapuwestong pulisya at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para matiyak na maayos ang sitwasyon.


Samantala, naghigpit ang MMDA laban sa pagkakalat sa lugar, kung saan ang mahuhuling nagkakalat ay pagmumultahin ng P500 o walong oras na community service. Gayundin, may multa ang pag-ihi at pagdumi sa pampublikong lugar at maging ang pagkakabit ng ilegal na karatula.


‘Ika nga, ganyan talaga ang mga Pinoy, kahit sabihing bawal, sige pa rin sa pagpunta at ang masaklap, bitbit pa ang mga batang anak.


Panawagan sa ating mga kababayan, ‘wag nating ipilit kung hindi pa talaga puwede.


Malamang, may iba pang lugar na puwedeng puntahan kaya pakiusap, ‘wag matigas ang ulo at siyempre,

kailangang sabayan ito ng ibayong pag-iingat, lalo na kung kasama ang mga menor-de-edad na anak.


Habang mas maraming tao ang inaasahang lalabas kasabay ng pagluluwag ng travel restrictions, paalala sa lahat na hindi porke puwede nang makapamasyal at mas maraming aktibidad na ang pinapayagan ay aasta tayong parang wala nang pandemya.


Tandaan, nasa paligid lang ang virus at isang pagkakamali o pagpapabaya lang, puwede tayong maging biktima nito.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page