top of page
Search
  • BULGAR

DOH, ‘di kampante sa maluwag na restriksyon sa face mask

ni Ryan Sison - @Boses | September 13, 2022


Hanggang ngayon ay usapan pa rin ang pagpapatupad ng maluwag na mask mandate sa ilang lugar sa bansa.


Kabilang sa nagsimulang magpatupad ng boluntaryong paggamit ng face mask ay ang Iloilo at Cebu City, dahil umano sa mataas na vaccination rate. Gayunman, nilinaw na mananatili ang face mask sa indoor establishments, kabilang na ang pampublikong transportasyon.


Dahil dito, nagpahayag ng pagkabahala ang Department of Health (DOH) dahil sa umano’y paiba-ibang mask mandate ng ilang lokal na pamahalaan.


Binigyang-diin ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na hindi maaaring magpatupad ng iba’t ibang protocols laban sa COVID-19 dahil maaaring tumawid ng borders ang virus. Inihalimbawa nito ang pagpunta ng isang tao sa lugar na may maluwag na protocols at babalik naman sa kanilang lugar kung saan mahigpit ang restriksyon.


Kung ipinatutupad na sa ilang lugar ang maluwag na mask mandate, sa Metro Manila, kapansin-pansing marami nang hindi nagsusuot ng face mask o kaya naman, hindi na isinusuot nag tama ang mask kahit wala pang direktiba ang gobyerno.


Sa totoo lang, umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa publiko, gayundin sa mga negosyante at ilang ahensya ng gobyerno ang pagpayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pagluluwag sa face mask mandate sa buong bansa.


Bagama’t maraming natuwa dahil bawas-gastos daw at safe naman dahil marami nang bakunado, siyempre, may ilan pa ring tutol dahil naniniwala silang hindi pa ligtas ang paligid, lalo pa’t tumataas na naman ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID.


Pakiusap lang sa mga kinauukulan, sana’y magkaroon ng malinaw na direktiba upang malaman ng publiko kung ano ang dapat sundin.


Sa ngayon, pakiusap natin sa lahat na panatilihin ang mga pag-iingat laban sa sakit. Magluwag man o hindi, ‘wag nating kalimutan ang mga dahilan kung bakit ginagawa ang mga pag-iingat na ito, at ‘yan ay upang manatiling ligtas laban sa COVID-19.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page