DOH, bigo sa house-to-house vaccination vs. COVID-19
ni Ryan Sison - @Boses | April 26, 2022
Habang patuloy ang pagbaba ng bilang ng nagpapabakuna laban sa COVID-19, aminado ang Department of Health (DOH) na hindi naging matagumpay ang ginawang house-to-house na bakunahan kontra COVID-19.
Bagama’t maganda ang takbo ng house-to-house vaccination sa ibang lugar, napatid at na-frustrate ang mga health workers dahil sa mababang bilang ng nagpapabakuna.
Gayunman, matatandaang lahat ng areas sa buong bansa ay nagkaroon ng house-to-house na bakunahan at mayroon pang special vaccination day sa Negros Occidental, Negros Oriental at buong Region XII.
Samantala, pinag-iisipan ng kagawaran na magkaroon ng bagong estratehiya upang mapataas ang bilang ng fully vaccinated.
Sa totoo lang, hindi nakagugulat ang ulat na ito dahil kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng mga nagpapabakuna laban sa sakit.
Marahil, marami nang nakampante dahil sa pagluluwag ng restriksiyon at pagbaba ng COVID-19 cases, habang ang iba ay hindi pa rin kumbinsidong magpabakuna.
At gustuhin man nating makamit ang target na 90 milyong fully vaccinated sa Hunyo, ‘di natin ito makakamit kung aasa lang tayong magpabakuna ang taumbayan.
Tama lang na mag-isip at gumawa tayo ng panibagong diskarte. Ngunit ‘wag sana nating kalimutang isama ang patuloy na pagbibigay-kaalaman sa magandang epekto ng bakuna.
Malamang, marami pa r’yan ang nagdadalawang-isip o natatakot, ngunit kung mapapaliwanagan, makukumbinsi rin ang mga ito.
Makamit man o hindi ang target, ang mahalaga ay madagdagan pa ang bilang ng mga bakunado sa bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments