top of page

DLSU at UST, simula na ang semis match sa SSL

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 4, 2023
  • 2 min read

ni Gerard Arce @Sports | August 4, 2023



Magsasalubong ang landas ng defending UAAP season 85 champions De La Salle University Lady Spikers at rebuilding University of Santo Tomas Golden Tigresses, habang aasaming makapasok ng UAAP bronze medalist Adamson Lady Falcons na higitan ang NCAA team na UPHSD Altas sa semifinals ng 2023 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals ngayong araw sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.


Ipaparada ng DLSU ang twin-tower na sina Thea Gagate at Shevana Laput laban sa mga baguhang manlalaro ng UST sa pinakatampok na laro ng 4 p.m., habang makikipagduwelo ang bagong balasang Lady Falcons kontra Mary Rhose Dapol-led na Lady Altas sa unang laro ng 2 p.m.


Ang magwawagi sa semis matches ay nakatakdang magbabanggaan sa best-of-three finals sa susunod na linggo upang maging kauna-unahang national champion ng SSL na itinaguyod ng CHED. Muling maghaharap ang magkaribal sa collegiate league na Lady Spikers at UST matapos walisin ng La Salle ang Jose Maria College Foundation ng Mindanao25-18, 25-14, 25-19, habang sinibak ng UST ang Luzon qualifier na Enderun Colleges sa bisa ng 25-13, 25-16, 21-25, 25-14.


Paborito ang DLSU matapos magkampeon sa UAAP volleyball tourney, habang tanging ang UST lang ang nakabahid ng pagkatalo sa Taft-based squad sa nagdaang season ng UAAP elimination round. “Ibang labanan na dito sa semis. Sabi ko lang sa team, hindi pwedeng ganito ‘yung lalaruin namin. Kailangan iangat yung level ng play pagdating ng semis,” wika ni La Salle deputy coach Noel Orcullo.


Nilisan na ang UST ng mga importanteng manlalaro tulad nina Ejiya “Eya” Laure, Imee Hernandez at Kecelyn Galdones na tumalon ng pro-ranks, habang nilisan na rin nina Jolina Dela Cruz, Mars Alba at Fifi Sharma ang Lady Spikers. Sa kabilang banda, puntirya naman ng Lady Altas na makatuntong ng Finals.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page