top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Diwata, dapat na lang unawain

Writer: BULGAR
BULGAR
May 17, 2024
2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 17, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez


HARRY ROQUE, WALANG TAKOT SA ISINAMPANG KASO NI TRILLANES, PERO KAPAG GUILTY NA ANG HATOL AT IPAPASOK NA SIYA SA BILIBID, TIYAK IIYAK ‘YAN -- Isa si former presidential spokesman Harry Roque sa sinampahan ni former Sen. Antonio Trillanes ng kasong cybercrime na may kaugnayan sa cyber libel, matapos na siraan nito sa pamamagitan ng fake news ang dating senador (Trillanes), na ito raw ang nagbigay ng Scarborough Shoal ng Pilipinas sa China.


Ang tugon ni Roque sa demandang ito ni Trillanes ay, “bring it on.”

Kahambugan ang tugon na ‘yan ni Roque, kasi parang ipinamumukha niya kay Trillanes na hindi siya natatakot sa kaso, pero kapag dumating ang panahon na siya ay hinatulang guilty ng korte, mawawala ang kayabangan niya, kasi tiyak iiyak ‘yan kapag ipinasok na sa Bilibid, boom!


XXX


DAPAT UNAWAIN SI DIWATA -- Naba-bash ngayon si Diwata dahil mula raw nang maging tanyag ito at lumago ang kinikita sa kanyang ‘Paresan’ ay naging suplado na raw ito, ayaw nang magpa-picture, at kapag napilitan namang magpa-picture ay nakasimangot daw.


Sa isyung ito, dapat unawain ng ating mga kababayan si Diwata dahil makikita naman na siya ang punong-abala sa kanyang negosyo, ika nga, pagod at puyat ang nararanasan niya sa kanyang negosyo.


Panawagan din natin kay Diwata, sa rami kasi ng nais magpa-picture sa kanya, dapat ay maglaan siya ng kahit kalahating araw sa loob ng isang linggo na “Diwata People’s Day,” na ibig sabihin sa half day  na ito lang siya puwedeng magpa-picture kasama ang mga tumatangkilik sa kanyang negosyo, at siyempre, dapat sasamahan na niya ito ng ngiti, period!


XXX


‘SHABUHAN’ SA SAKLAAN SA TANAUAN, BATANGAS -- Wala raw tulugan ang mga nagsusugal sa saklaan ni alyas “Ocampo” sa Brgy. Bagbag, Tanauan City, Batangas.


Kaya raw walang tulugan at hindi nakakaramdam ng antok ang mga sugarol ng saklaan ay dahil habang nagsasakla raw ang mga ito, may nagbebenta rin ng umano’y shabu sa mga manunugal ng sakla para hindi sila antukin.


Kung totoo ito, aba’y dapat magsanib puwersa ang PNP at PDEA sa pag-“tokhang” kay Ocampo para matigil na ang raket nitong saklaan at ‘shabuhan’ sa Tanauan City, boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page