top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Divorce, ‘di solusyon sa mag-asawang may problema

Writer: BULGAR
BULGAR
May 25, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 25, 2024



Boses by Ryan Sison


Dapat na pairalin ang “conscience vote” pagdating sa usapin tungkol sa panukalang diborsyo sa ating bansa. 


Ito ang siniguro ng bagong upong Senate President Francis “Chiz” Escudero, kung saan aniya mangingibabaw sa Senado ang ganitong pagboto.


Ang reaksyon na ito ng Senate President ay kasunod ng pagkakaapruba ng divorce bill sa Kamara, na noong una ay 126 ang pabor, habang 109 ang tutol at 20 ang abstain, pero kalaunan ay itinama ang bilang sa 131 ang pabor at pareho pa rin ang bilang ng tutol at abstain.


Sinabi ni Escudero na ang magiging posisyon ng Senado sa divorce bill ay conscience at personal vote, habang ibabatay sa kung ano ang kani-kanyang paniniwala at relihiyon ng bawat senador.


Gayundin, wala siyang planong diktahan ang mga senador upang paburan o kaya naman ay tutulan ang naturang panukala. Pero para kay Escudero, hindi divorce kundi mas nais niyang palawakin at gawing abot-kaya at accessible ang annulment sa ilalim ng ating family code.


Samantala, nanindigan naman ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na kontra sila sa divorce law.


Ayon kay CBCP spokesperson Fr. Jerome Secillano, ang naturang batas ay isang pagtatakwil sa mandato nila na pahalagahan ang kasal at pamilya.

Tinawag din ni Fr. Secillano ang nasabing batas bilang anti-family, anti-marriage at anti-children. Aniya pa, ang diborsyo ay hindi solusyon sa pagsasama ng mag-asawa na nahaharap sa malaking hamon at problema.


Nagiging malalim na ang usapin hinggil sa isinusulong na divorce law sa ating bansa.

Batid naman natin na may mga katwiran talaga ang magkabilang panig patungkol sa diborsyo o paghihiwalay ng mag-asawa, pero mas mainam sigurong pag-aralan pang mabuti bago maisabatas.


Marami kasing kailangang ikonsidera, kabilang na rito ang paniniwala at relihiyon, ang estado ng pagsasama at totoong relasyon ng mag-asawa, ang mga anak na maaaring maapektuhan sakaling maghiwalay na ang kanilang mga magulang.


Isa pa na dapat tingnan dito ay kung tanggap na nating mga Pinoy na magkaroon ng diborsyo sa ating bansa. Baka ang gawin ng iba na kapag hindi magkasundo o palaging nagbabangayan ay mag-divorce, at paulit-ulit na lamang dahil maaaring mawalan na ng kabuluhan at kasagraduhan ang kasal. 


Kumbaga, sana ay hingin din ng kinauukulan ang consensus ng mga mamamayan at mas nakararami upang malaman kung ano ang mas makabubuti para sa lahat.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page