Diskriminasyon sa lahi ni Etheridge, iimbestigahan
- BULGAR
- Jan 30, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 30, 2023

Tumanggap ng abuso si Philippine Men’s Football National Team goalkeeper Neil Etheridge sa kanyang laro para sa Birmingham kontra Blackburn sa 2023 FA Cup Round Four sa Inglatera nitong Sabado. Nangako ang mga opisyal na iimbestigahan nila ang pangyayari.
Kapapasok lang ng goal ang kakamping si Jordan James sa ika-91 minuto upang maisalba ang 2-2 tabla. Matapos nito ay nakarinig ng hindi magandang mga salita si Etheridge mula sa mga manonood na may kinalaman sa kanyang lahi na pinaghalong Pinoy at Ingles.
Nagsumbong ang beteranong Azkals sa referee at isasama ito sa kanyang ulat.
Nagpahayag ng suporta kay Etheridge ang pamunuan ng Birmingham at iginiit na walang puwang ang diskriminasyon ng lahi sa Football.
Maagang lumamang ang Birmingham sa pangatlong minuto sa goal ni Red Khadra.
Subalit hindi ito nagtagal at pinantay ni Bradley Dack ang iskor sa ika-33 minuto at inagaw ng Blackburn ang lamang sa unang minuto ng second half sa goal ni Joe Rankin-Costello.
Dahil sa resulta, kailangang maglaro muli ang dalawang koponan sa Miyerkules ng madaling araw, oras sa Pilipinas. Ang magwawagi ay tutuloy sa Round Five sa Marso na kabibilangan ng 32 koponan hanggang magiging dalawa na lang ito para sa championship sa Hunyo 3 at gantimpalang f2 milyon (P134.93 milyon).
Umani ng puri si Etheridge dahil sa kanyang depensa sa 2-1 tagumpay ng Birmingham sa Forest Green Rovers sa Round Three noong Enero 18. Bumunot ng liban ang Birmingham sa Round One at Two.
Huling naglaro si Etheridge para sa Azkals noong Hunyo ng nakaraang taon sa 2023 AFC Asian Cup qualifiers sa Mongolia kung saan wagi sila sa Mongolia (1-0), tabla sa Yemen (0-0) at bigo sa Palestine (4-0) upang magpaalaam ng maaga.





Comments