Diskriminasyon at harassment sa kababaihan, stop!
- BULGAR
- Mar 21, 2021
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | March 21, 2021
Ngayong pandemya ay marami sa ating kababayan ang napilitang maghanap ng alternatibong transportasyon upang patuloy na makapaghanapbuhay at gawin ang mga kailangan.
Naging popular ang pagbibisikleta upang makarating at makauwi sa trabaho, o kaya’y maghatid ng mga produkto o modules ng mga anak, o kaya’y makapamalengke.
Ngunit, marami tayong nakikitang alalahanin ng mga siklista, lalo na ng kababaihan.
◘◘◘
Bukod sa kakulangan ng ligtas na espasyo para sa mga nagbibisikleta tulad ng tamang bike lanes, ilaw sa mga daan, bike lane na ginawang paradahan, marami rin ang hindi gumagalang at rumerespeto sa karapatan ng mga siklista tulad ng panggigitgit.
Isa pang concern, lalo na ng mga babaeng siklista ay ang pagdami at paglala ng misogyny na nararanasan nila, sa kalsada man o online.
◘◘◘
Base na rin sa mga salaysay, lalo na sa mga online communities at interviews ay patuloy ang pag-catcall, pagsipol, pagmamaliit, at iba pang porma ng diskriminasyon sa mga babaeng siklista.
May mga instances ding nagiging “trophy” o ginagawang “object” ang kababaihan at pinagpapasahan sa mga online chat groups ang kanilang mga larawan dahil sa kanilang kasuotan.
◘◘◘
Kung kaya’t may ilang grupo na nananawagang magsama-sama at tutulan ang mga ganitong uri ng diskriminasyon at harassment.
Kasama na rin ang mga LGU ay maglalagay ng mga imprastruktura para sa kaligtasan ng mga siklista at ang pagpapalaganap ng kaalaman tungkol dito.
Kaisa tayo sa labang ito, lalo na sa pagrespeto sa ating mga karapatan bilang babae, ina, anak, kapatid, at pati na ang kampanya upang palaganapin ang implementasyon ng Safe Spaces Act.
Naniniwala tayong ang maayos na implementasyon nito ay magbibigay ng ngipin sa laban na gawing ligtas para sa lahat, lalo na para sa kababaihan, ang ating mga kalsada.
◘◘◘
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay




Comments