ni Ryan Sison @Boses | December 9, 2023
Upang masiguro ang seguridad at mapalakas ang puwersa ng ating militar sakaling lumala ang sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS), balak nang isama ang mga licensed gun owners bilang mga military o police reservist.
Ayon kay Sen. Mark Villar, kung titingnan sa ibang bansa, talagang nakatutok sila sa pagsasanay o training ng kanilang mga reservist, at anumang oras ay puwede silang pumasok sa military kung kailangan nila ng enforcement. Kailangan pa natin aniyang palakasin ang ating reserved force, habang kailangan din natin silang bigyan ng karagdagang suporta para sa pagsasanay at materials na kanilang gagamitin.
Iminungkahi ni Villar, na isa ring military reservist, ang naturang panukala sa ginanap na 29th Defense and Sporting Arms Show kamakailan, kung saan ipinakita ang ilan sa mga pinakabagong baril, ammunition at firearms accessories.
Gayundin, nanawagan si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na kasama ni Villar sa event, sa mga licensed gun owner na maging handa na ipagtanggol ang Pilipinas kung may mangyari na hindi kaaya-aya sa gitna ng tumitinding tensyon sa WPS.
Sinabi ni Dela Rosa na nasa paligid lamang ang mga pagbabanta o threat sa ating bansa, at lalong problema natin sa ngayon ang hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at China sa WPS. Giit din niya na ang baril ay hindi lamang laruan o accessories para magmukhang cool, dapat isipin ng mga nagmamay-ari ng lisensyadong baril na kapag dumating ang araw na kailangang gamitin ito para depensahan ang ating bansa ay dapat na magamit nila ang kanilang mga armas, habang pinaalalahanan ang mga mamamayan na isa itong pribilehiyo at hindi constitutional right.
Maganda ang hangarin ng kinauukulan na ang mga licensed gun owners ay magsanay, pumasok sa militar at gawin silang mga military reservist.
Kasi nga naman, may training na sila sa paghawak ng mga baril at armas kaya may kaalaman na sila kung paano at kailan ito dapat gamitin.
Hindi natin ninanais na sumabak tayo sa pakikipaglaban o giyera, kailangan lamang natin na maging handa dahil na rin ito sa tumitinding tensyon sa WPS. Gayundin, nararapat lang na depensahan natin ang ating bansa, anuman ang mangyari at isabak ang sinumang may kakayahan, na mainam sigurong silang mga responsableng licensed gun owners ang mapasama rito.
Paalala lang sa mga kababayan na gamitin sana natin ang mga armas na ito sa tama at hindi sa personal na interes o kaya naman ay para ipanakot sa kapwa o ipangyabang lamang. Dapat na panatilihin natin ang pagiging responsable sa lahat ng oras sa paggamit nito.
Sa kinauukulan, sakaling aprub na ang panukala, tiyakin sana natin na ang mga mapipiling military o police reservist ay nagdaan talaga sa matinding training at puwede ring isailalim sila sa neuro-psychiatric tests, habang kalaunan ay matututunan nila ang pagprotekta at pagdepensa sa kanilang sarili, kasunod na rito ang ating bansa laban sa mananakop.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments