top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Disiplina ng mga Pinoy, sapat na ba para mag-Alert Level 1?

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 19, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | February 19, 2022



Dahil sa patuloy na pagbuti ng sitwasyon at datos ng COVID-19 sa bansa, maraming naniniwala na mas nalalapit ang lahat sa posibilidad ng Alert Level 1 o ‘new normal’.


Matatandaang, una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na sa ilalim na pinakamaluwag na alert level, wala nang restriksiyon sa kapasidad ng mga establisimyento at pampublikong transportasyon.


Dahil dito, posibleng mapuno ulit ang mga establisiyento tulad ng mga restoran, gayundin, magsisiksikan ulit sa mga tren, bus at jeep.


Gayunman, pinatitiyak ng DOH na patuloy namang ipatutupad ang minimum public health standards at ayon kay Health Secretary Francisco Duque, hindi tulad sa ibang bansa, hindi magiging mabilis ang pagtanggal sa mandatory facemask policy sa Pilipinas.


Kaugnay sa umiiral na campaign period para sa national post, muling nanawagan ang kalihim sa mga kandidato na sundin ang health protocols at matutong mag-self regulate. Pag-uusapan din umano ng DOH ang technical advisory group kasama ang Inter-Agency Task Force (IATF) kung magluluwag ng restrictions ngayong campaign season.


Bagama’t lumipas na ang Omicron surge, habang patuloy itong kumakalat, hindi nawawala ang mga bagong variant.


Magandang balita na malapit na tayo sa ‘new normal’, pero ang tanong, kakayanin na ba natin?


Ang disiplina at pagiging responsable ng taumbayan, sapat na ba para masiguradong walang magpapasaway ‘pag tuluyan nang niluwagan ang mga restriksiyon?


Isa pang tanong, gaano tayo katiyak na hindi ito magiging sanhi ng panibagong problema?


Marahil, marami pang tanong na kailangang masagot, gayundin, ang mga pag-aaral na dapat gawin.


At tulad ng palagi nating sinasabi, ayaw na nating bumalik sa umpisa, kaya sana, talagang natuto na tayo at ‘di na tayo nangangapa. Kailangang paghandaan kung paano sosolusyunan ang mga inaasahan nating hamon sa pagluluwag na ito.


Dapat sa pagkakataong ito, magkaroon ng iisang desisyon ang mga eksperto at pamahalaan.


Desisyon na mapakikinabangan ng lahat, hindi lamang sa maiksing panahon kundi sa marami pang pagkakataon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page