Disiplina at malasakit, mabisang panlaban vs. super spreader events
ni Ryan Sison - @Boses | October 9, 2022
Sa ikatlong pagkakataon, idaraos sa bansa ang Undas sa gitna ng pandemya.
Ilang linggo bago ang Undas, muling nagpaalala sa publiko ang Department of Health (DOH) na maaaring maging COVID-19 super spreader event ang pagpunta ng maraming tao sa mga sementeryo.
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, hindi kinakategorya bilang “low risk setting” ang Undas dahil taun-taong dinaragsa ng mga tao ang bawat sementeryo.
Payo ng opisyal, sa kabila ng maluwag na mask mandate kung saan boluntaryo na lang ang pagsusuot nito sa outdoor setting, makabubuting magsuot ng face mask bilang proteksyon, lalo na kung nasa mataong lugar.
Kasabay nito ang paalala na dapat nakapagpaturok ng kahit unang dose ng booster shot bago magtungo sa mga sementeryo bilang dagdag-proteksyon sa virus.
Sa ngayon, nakikita ang bahagyang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 ang bansa, kaya malinaw umanong nananatili ang banta ng sakit.
Makalipas ang ilang taon ng pakikipaglaban sa pandemya, naniniwala tayo na natuto na ang lahat. Kumbaga, alam na natin kung paano lalabanan ang sakit. Ang problema, hindi lahat ay sumusunod.
Halimbawa na lang ng pagsusuot ng face mask. Bagama’t boluntaryo, kailangan pa rin itong isuot sa mataong lugar, gayundin sa mga establisimyento, bagay na hindi nasusunod ng ilan gawa ng iba’t ibang dahilan.
Panahon na naman ng kaliwa’t kanang mga kaganapan — mula sa Undas hanggang Kapaskuhan, asahan na natin ang sandamakmak na mass gathering.
Gayundin, ‘wag nating ismolin ang panganib ng mga ganitong kaganapan, kaya naman pakiusap sa lahat, pairalin ang disiplina at malasakit sa bawat isa dahil mabisang panlaban ang mga ito kontra hawahan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments