Discount sa pasahe, linawin bago ipatupad para iwas-gulo
@Editorial | March 19, 2023
Nagsimula nang magdulot ng kalituhan sa mga drayber at pasahero ang inanunsyong bawas-pasahe ng gobyerno sa pampublikong sasakyan.
Matatandaang, inanunsiyo ng gobyerno na magkakaroon ng fare discount sa public utility vehicles sa ilang piling ruta sa Metro Manila. Balik sa P9 ang minimum na pasahe sa tradisyunal na jeep, P11 sa modernized jeepney, at P3 hanggang P4 pesos bawas sa bus. Pero hindi pa makapagbigay ng takdang petsa kung kailan ipatutupad ang planong diskuwento sa pasahe habang hinihintay pa ang P1.2 bilyong pondo para sa programa.
May mga transport group na nagsabi na sana ay inayos muna ang bagong panuntunan at hindi muna ito inilabas hangga’t hindi pa malinaw ang mechanics.
Unang-una, sino ang mga makatatanggap ng subsidiya mula sa gobyerno para makapagpatupad ng bawas-pasahe? Papaano ‘yung mga nasa ruta na hindi makakasama sa diskuwento? Tiyak na walang sasakay du’n sa mga hindi makaka-avail ng subsidy, kawawa ang mga tsuper.
Madaling mag-anunsyo pero mahirap magpaliwanag, lalo na't malawak ang usapin.
D'yan na magsisimula ang mga tanong, opinyon at posible pang pasukan ng fake news na lalong magpapagulo sa sitwasyon.



Comments