top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Direk Cathy, kumanta… BEA AT JOHN LLOYD, TOGETHER AGAIN

  • Reggee Bonoan
  • Oct 24, 2020
  • 3 min read

Mga bag na Jimmy Choo at Gucci ang donasyon nina Bea Alonzo at Angel Locsin kay Direk Cathy Garcia-Molina para sa kanyang Pakpak ng Pangarap fundraising project para sa 100 estudyante na bibigyan ng laptop para magamit sa kanilang online class.

Gaganapin ang Pakpak ng Pangarap fundraising show sa Oktubre 31 thru KTX at sa halagang P99 ay puwede nang manood ng show sa pangunguna nina Gary Valenciano, Darren Espanto, Kakai Bautista, Thor, Frenchie Dy at Iñigo Pascual.

“P99 pesos ang entry para makapanood ng show and bukod doon, they (publiko) have the chance to buy the exclusive items and ang pag-buy is thru donation and auction. Merong straight donation na sa bawat donation ay nagkakaroon ng slot to a raffle at makakakuha ng items na ito ‘yung mga mamahalin na bigay nina Bea at Angel.

“Ang hirap ibenta kasi ang mamahal at may bibili ba kasi mga Gucci at Jimmy Choo bags, kaya naisip ko, by donating, nagkakaroon ka ng slot and then ‘yun ang mapapanalunan mo, so nakakatulong ka na, nagkaka-item ka pa,” paliwanag ni Direk Cathy kung paano ma-avail ang mga personal na gamit ng dalawang aktres.

Bukod dito ay exclusive pang makukuha ng masuwerteng mananalo ang tulad ng sapatos na ipinadala ni Alden Richards na nakatrabaho niya sa Hello, Love, Goodbye na pinakamalaking kinitang pelikula ng Star Cinema noong 2019 hanggang sa kasalukuyan.

“I just got his item today. It’s very personal so you’ll be the only one in the whole world na magkakaroon ng ganito (sabay pakita ng Yezzy shoes) na may pirma niya. Ito ‘yung mga ipapa-auction natin. Hiniling ko sa kanila (mga artista) na sana, hindi ganu’n kamahal para maluwag sa manonood natin ‘yung makakabili.

“Tapos, si Jeffrey Tam naman, ang ibibigay niya ay ‘yung figurine ni Darna na may pirma ni Liza Soberano, so wala na sa market ‘yun.

“Si Joross (Gamboa) naman, ‘yung mga ginamit niya sa It Takes a Man and A Woman, so things like that.

“Ewan ko si Gary V., inaantay ko kung ano ang ibibigay niya kasi magbibigay din daw siya. Sabi ko, ‘Kahit isang item lang.’

“Si Rayver (Cruz), favorite shirt niya.

“Ang hinihintay ko ngayon ay ang bigay ng KathNiel.

“Si Direk Olive (Lamasan), napakaraming ibinigay, Lord! As in 3 boxes yata, mayroon pang refrigerator na personal brand new at isang used television na dati sa presyong abot kaya.

“Para ito sa 100 laptops, alam n’yo naman ang presyo ng laptop bawa’t isa sa estudyante, nagre-range from 25K to 27K. So, kung 100 (laptops), we are trying to raise P2.7M.

"Nu’ng selling kami ng mga gamit ni Inang (Direk Olive), naka-buy na kami ng isang laptop, so, 99 more. We really need the help of our kababayans,” mahabang pahayag ng blockbuster director.

Bagama’t nahihiyang humingi ng tulong si Direk Cathy ay hindi naman daw niya kayang paluwalan ang mga ito dahil siya rin ay walang trabaho ngayon dahil sa pandemya at sa katunayan ay hindi natuloy ang pelikulang gagawin sana niya para sa balik-tambalan nina John Lloyd Cruz at Bea.

“Alam nina Inang that I’m down to my last project, kaya lang sa totoo lang po, ako’y hirap na hirap kasi po, you know that I have made friends in this business, hindi lang basta friends kundi good friends.

“Hindi ko ikakaila sina John Lloyd, Daniel Padilla at Piolo Pascual, ninong ‘yan ng anak ko. ‘Yung tatlong ‘yan, 'pag humingi ng pelikula, paano (tatanggihan), eh, last one ako. Ang hirap-hirap sa akin na humindi.

“Ang hirap din sa kanila, lalo na si Idan (Lloydie) na naiintindihan niya ako at gusto niyang ibigay sa akin (bakasyon), and yet, gusto rin niyang ako ang magdirek ng pelikula niya. So torn din siya at nagiging masama siya asking for my services," pagtatapat ni Direk Cathy.

Pero sa kabilang banda, “Baka hindi rin siguro ito ang last na last, basta ‘wag lang sunud-sunod kasi gusto kong makasama ang mga anak ko.”

Kung hindi naging maganda ang epekto ng COVID-19 pandemic sa lahat ay humingi ng dispensa si Direk Cathy dahil para sa kanya ay maganda ang dulot nito dahil nakasama niya sa ilang buwan ang mga anak.

“Panay ang dasal ko na paano ko makakasama ang mga anak ko kasi nga lagi akong nasa trabaho? Then, ito ang sagot sa akin, nagkaroon ng ganitong pangyayari (pandemya), for me, okay para sa akin,” paliwanag ng direktora.

Samantala, habang isinasagawa ang Pakpak ng Pangarap Zoom conference ay may mga inquiries na para sa show na gaganapin sa Oktubre 31 mula 9 AM hanggang 3 PM thru KTX sa halagang P99 ang bawat ticket.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page