Director's Doha, astigin sa SLLP
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | June 6, 2022
Nagpakitang-gilas si Director's Doha matapos manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System kahapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Swak kay Director's Doha ang karagdagang premyo na P5,000, nagsumite ito ng tiyempong 1:32.8 sa 1,400 meter race.
Dumating na segundo si Double Rock, tersero si Batang Madrid habang pumang-apat si Sagitsit, tumawid na pang-lima ang dehadong si Hot Legs at pang-anim si Navy Cut.
Dahil nakalusot ang mga dehado ay nagkaroon ng carry over sa quartet, pentafecta at SUPER 6. "Ang hirap tamaan ng quartet, pentafecta at SUPER 6 nakalusot mg dehadong kabayo," saad ni Juanito Garcia, veteran karerista.
Samantala, noong Sabado ng gabi, nasilayan ang tikas ni Beli Bell sa largahan kaya nasikwat nito ang panalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pinakawalan sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas.
Ginabayan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Hernandez, sinunggaban agad ni Beli Bell ang unahan sa largahan at hindi nakadikit ang matulin din na si Eazacky.
Sa kalagitnaan ng karera, abante na si Beli Bell ng mahigit apat na kabayong agwat sa nasesegundong Eazacky kaya tumuloy-tuloy na ito sa meta para kumpletuhin ang wire-to-wire win ng pag-aari ni Elmer De Leon.
Nilista ni Beli Bell ang 1:23.8 minuto sa 1,400 meter race sapat upang ibulsa ang added prize na P10,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon. Segundo si Eazacky, habang third at fourth sina Top Attraction at Calle Loreto ayon sa pagkakasunod.





Comments