DILG sa kumakalat na vaccination exemption cards: peke!
ni Ryan Sison - @Boses | January 21, 2022
Dahil sa patuloy na paghihigpit ng nasyonal at lokal na pamahalaan sa galaw ng mga kababayan nating hindi bakunado laban sa COVID-19, kani-kanyang diskarte ang mga ito para patuloy na makalabas. Ngunit, paano kung ang ginagawang diskarte ay ilegal?
Kaugnay nito, nilinaw ng isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na peke ang mga kumakalat na COVID-19 vaccination exemption cards at hindi ito kinikilala ng gobyerno.
Ang naturang paglilinaw ay kasunod ng mga ulat na mayroong COVID-19 vaccination exemption cards na lumilitaw ngayon. Gayundin, nabatid na ang mga naturang hindi awtorisadong cards ay nagmula sa Facebook groups at group chats sa Davao at Soccsksargen, kung saan sinasabing maaari itong iparehistro sa local government units (LGUs) at kinikilala bilang kapalit ng COVID-19 vaccination cards.
Ayon pa sa opisyal, sa biglang tingin ay aakalaing tunay ang naturang card dahil pareho ng format at hitsura nito sa vaccination cards na galing sa LGUs.
Kaya naman, nanawagan ito sa mga lokal na awtoridad na maging mas vigilante sa pag-iinspeksiyon ng vaccination cards sa mga provincial at regional boarders habang umiiral pa ang restriksiyon para sa mga hindi bakunadong indibidwal.
Sa totoo lang, nakadidismaya dahil sa panahong ito tayo dapat na maging tapat, pero ano’ng nangyari? Napakaraming naiuulat na peke, mula sa RT-PCR test result, mga gamot, vaccination card at ngayon, may ganito pang nangyayari.
Bagama’t mabuti nang hangga’t maaga ay nakapagbigay-babala tayo, sana lang ay maagapan ito upang hindi mauwi sa iba’t ibang aberya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments