Dikdikan na sa Game 7 ang Beermen at Bolts
ni Gerard Arce - @Sports | August 17, 2022

Magkakaalaman kung malalasing ng San Miguel Beer ang mga katunggali o kukuryentihin ng Meralco Bolts ang daan patungo sa kauna-unahang pagpasok sa All-Filipino finals para sa huling silya sa championship round ngayong araw sa Game 7 ng best-of-seven semifinal series ng 47th PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Napuwersa ng Meralco Bolts ang isang sudden death na panalo laban sa Beermen kasunod ng 96-92 sa Game 6 nitong nagdaang Linggo ng gabi, muli maghaharap sa sagupaang umaatikabo sa nag-iisang laro sa alas-6:00 ng gabi.
Isinalpak ni Aaron Black ang tatlong mahahalagang free throws sa nalalabing segundo ng laro matapos makabalik ng Meralco sa pagkakalubog sa first half para madala 3-3 tabla ang serye. Naging malaking tulong si Black sa come-from-behind victory mula sa 16-2 blast matapos ang 11 puntos na pagratsada galing sa 80-90 kalamangan ng Beermen sa nalalabing 4:23 ng laro. Subalit sumiklab ang pagnanasa ng Meralco na makabalik sa laro, katulong sina Cliff Hodge at Chris Newsome, hindi na pinagbigyan pa ng Meralco na makabuslo ng field goal ang Beermen, para makuha ang 93-90 na bentahe sa nalalabing 31 segundo.
Tatangkain ng Meralco na makapasok sa Philippine Cup na napurnada ng ilang beses, kung saan mayroon lamang itong apat na Finals appearance lahat mula sa Governor’s Cup kaharap ang Brgy. Ginebra. Bukod kina Black, Hodge at Newsome, sasandal din ang Bolts kina Raymond Almazan, Chris Banchero, Bong Quinto, Kyle Pascual, Reynel Hugnatan at Allein Maliksi.
Mag-aasam naman ang San Miguel na muling makabalik sa All-Filipino finals sapol ng mapagwagian ang titulo nung 2019. Nasayang ang double-double ni June Mar Fajardo sa 23pts at 13 boards sa 7-of-15 shooting at 9-of-9 sa bonus area, na paniguradong kukuha ng saklolo mula kina Vic Manuel, Marcio Lassiter, CJ Perez, Mo Tautuaa, Jericho Cruz, Simon Enciso, Rodney Brondial, Rob Herndon at Chris Ross.





Comments