top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Diano, import din tulad nina Gayoso at Sato sa Muangthong United

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 23, 2020
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 23, 2020





Idinagdag na si Mar Vincent Diano sa lumalaking listahan ng mga Pinoy na maglalaro sa malupit na 2020-2021 Toyota Thai League One. Bunga ng kanyang mahusay na ipinakita sa nakalipas na 2020 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways, patungo na ng Thailand ang defender ng Azkals Development Team upang pumirma sa Muangthong United at samahan ang mga kababayang sina Jarvey Gayoso at Daisuke Sato.


Tiyak na lalakas ang depensa ng Muangthong sa pagdating ni Diano na tubong Masbate at naglaro sa University of the East sa UAAP. Kabilang din siya sa Azkals na kumatawan sa Pilipinas noong 2019 Southeast Asian Games.


Kasalukuyang nasa ika-8 puwesto sa 16 koponan ang Muangthong na may 21 puntos buhat sa anim na panalo, tatlong tabla at anim na talo. Umaasa na babawi sila pagpasok sa pangalawang bahagi ng taon at malaking papel ang gagampanan ng dalawang bagong Pinoy at ang nauna nang si Sato.


Maliban sa Muangthong, ipinakilala na rin ng Ratchaburi Mitr Phol sina OJ Porteria at Curt Dizon bilang bagong nilang mga manlalaro. Bahagi si Porteria sa kampeon ng PFL United City habang si Dizon ay beterano ng Azkals.


Nakalista rin sa Ratchaburi ang mga Pinoy na sina Javier Patino, Luke Woodland at Justin Baas subalit aalamin pa ang kanilang estado kung mananatili o aalis. Kasalukuyang nasa ika-apat na pwesto ang koponan at nakatakdang katawanin ang Thailand sa 2021 AFC Champions League kasama ang mga nangungunang BG Pathum United, Port at Chiangrai United.


Samantala, ipinahiram muna ng Muangthong si Jesse Curran sa Nakhon Ratchasima. Si Curran ay nakatakda sanang maglaro noong SEA Games subalit hindi ito natuloy at naglaro muna sa Udon Thani sa Thai League Two. Pinakawalan din ng Chonburi ang Azkal na si Carli de Murga. Wala pang linaw kung saan siya lilipat.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page