Diagan, na-TKO kay Collazo sa WBO minimumweight C'ships
- BULGAR
- Aug 29, 2023
- 2 min read
ni GA @Sports | August 29, 2023

Isang resultang hindi inaasahang makakamit ni Garen “Hellboy” Diagan sa mga kamay ni reigning at defending World Boxing Organization (WBO) minimumweight champion Oscar “El Pupilo” Collazo ang nagtapos sa 6th round technical knockout noong Linggo ng umaga (oras sa Pilipinas) sa Coliseo Roberto Clemente sa San Juan, Puerto Rico.
Isinuko ng tubong General Santos City ang unang pagkakataon sa World title fight sa pagtatapos ng sixth round ng hindi na nagawang makabalik sa laban matapos ang round dulot ng malulutong na suntok at patama ng hometown-favorite na unang beses dinepensahan ang korona sapul nang maagaw ito sa dating Filipino champion na si Melvin “Gringo” Jerusalem noong nagdaang Mayo 27 sa TKO panalo sa Fantasy Springs Casino sa Indio, California.
Naputol ang 2-fight winning streak ni Diagan na bumagsak sa 10-4 kartada kasama ang 5 panalo mula sa KO, habang nalasap nito ang ikatlong pagkatalo sa limang laban, gayundin ang ikalawang pagkabigo mula sa knockout na minsang pinatumba ni April Jay Abne sa 5th round noong isang taon.
Minsang hinawakan ni Diagan ang Philippine Boxing Federation light-flyweight title noong 2019, subalit nabigong masungkit ang WBC Asian light-fly kay Danai “Laser Man” Ngiabphukiaw ng Thailand sa unanimous decision para sa kanyang huling talo noong Hulyo 30, 2022 sa Suamlum Night Bazaar sa Bangkok, Thailand.
Ilang buwan pa lang nang magtala ng panibagong rekord ang 26-anyos na southpaw na si Collazo (7-0, 5KOs) ng maging pinakamabilis na kampeon sa Puerto Rico sa pitong laban pa lang nang paayawin ang dating kampeon na Jerusalem at isasalang ang unang title defense sa kanyang tinubuang-lupa. “All I knew was I had to put pressure and he was going to break down,” pahayag ni Collazo matapos ang laban. “He began to feel those punches (I threw). He’s a good fighter, but the jab and the mental pressure was too much for him.”








Comments