top of page

'Di sa harap ng publiko… P-Duterte, sa puwet magpapaturok ng COVID-19 vaccine

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 26, 2021
  • 1 min read

ni Lolet Abania | January 27, 2021


ree


Mariing ipinahayag ng Malacañang na si Pangulong Rodrigo Duterte ay pribadong magpapabakuna ng COVID-19 vaccine kahit pa maraming nagsasabing dapat ipakita ito sa publiko.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang vaccination ay hindi maaaring gawin at ipakita sa publiko dahil sa nais ng Pangulo na iturok ang bakuna sa kanyang pigi o puwet.


“I think so. He has said so. Sabi niya nga, dahil sa puwet siya magpapasaksak, so hindi pupuwedeng public,” sabi ni Roque sa kanyang press briefing tungkol sa desisyon na ito ni P-Duterte.


Gayunman, pinuri ni Roque ang Pangulo dahil aniya, matatawag pa ring “best communicator” ang Punong Ehekutibo pagdating sa mga kampanya ng gobyerno lalo na sa pagpapatupad ng minimum health standards para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.


Matatandaang sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa nakaraang Senate inquiry na susubukan niyang kumbinsihin si Pangulong Duterte na magpabakuna sa harap ng publiko para umangat ang kumpiyansa ng mga Pinoy sa vaccine.


Subali't nabanggit din ni Roque na gagayahin ni P-Duterte ang ginawa ni Queen Elizabeth II ng Britain na ang kanyang pagpapabakuna ay inanunsiyo lamang pagkatapos na siya at ang asawang si Prince Philip ay tumanggap ng first shots.


Sina US President Joe Biden, Indonesian President Joko Widodo at Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu ay ilan lamang sa mga lider sa buong mundo na nagpabakuna na sa harap ng publiko.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page