‘Di raw VIP, may koneksiyon lang… ELLEN, UMAMING PERSONAL NA INIMBITAHAN NI VANNESS WU KAYA NAKA-BONDING
- BULGAR

- 3 hours ago
- 3 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | July 2, 2026

Photo: Ellen Adarna at Vanesse Wu - Circulated
Nilinaw na ni Ellen Adarna ang ‘backstage access’ na iniisyu sa kanya ng ilang mga fans kaugnay ng katatapos lang na concert ng F4 sa Pilipinas.
Matatandaang dumalo ang dating aktres sa nasabing concert at makikita sa mga Instagram (IG) post niya ang mga fangirling moments, kabilang na ang pagpapa-picture sa F4 member na si Vanness Wu sa backstage.
Makikita rin ang video niya na matagal niyang kasama si Vanness sa backstage habang naghahanda ito para sa concert at tinuruan pa niya ito ng ilang salitang Tagalog.
Nang makita namin ang video, ang una naming naisip ay tiyak na marami ang magtataka kung paano siya nakapasok sa nasabing area, at hindi nga kami nagkamali.
Ipinost ni Ellen sa kanyang Instagram (IG) Story nitong Martes ang screenshot ng komento ng isang fan na pumuna sa pagkakaroon niya ng access sa backstage.
Idinamay din ng fan ang Live Nation Philippines, na siyang promoter ng concert ng F4 sa Pilipinas.
“@livenationph, you never disappoint us! I’m waiting to see which celebrity or influencer is backstage at BTS,” sey ng faney.
Hindi naman ito pinalampas ni Ellen at agad niya itong sinagot. Paglilinaw niya, mismong si Vanness ang nagbigay ng access sa kanila dahil kaibigan nito ang kaibigan din niyang si Rovilson Fernandez.
“Before spreading false information, please, fact-check first.
“Vanness personally gave us backstage access through his friendship with @rovilsonfernandez. Live Nation had nothing to do with it. I’ve been friends with Rovilson since before showbiz, and he’s been good friends with Vanness for years. They simply wanted to catch up, and we were fortunate enough to be invited along,” paliwanag ni Ellen.
Pinagsabihan din niya ang fan na mag-check muna bago mag-akusa.
“Not everything needs a conspiracy or special treatment. Sometimes it’s simply called friendship. Next time, verify your information before making accusations.
“‘Pag inggit, pikit!” talak ni Ellen.
Sa caption ay humirit pa siya ng litanya sa mga fans na mahilig gumawa ng kuwento.
“Sa mga bitter na faney, eto ang totoong nangyari. Mahirap ba talagang maging masaya na lang para sa iba? ‘Di naman lahat ng bagay kailangang gawan ng issue o kuwento,” talak pa ni Ellen.
NAGKAAYOS na ba si Ian de Leon at kapatid na si Matet de Leon?
Ito ngayon ang tanong ng marami matapos mag-post ang aktor ng pasasalamat sa nakababatang kapatid.
Sa Facebook (FB) page ni Ian ay mababasa ang mensahe niya kay Matet na, “Thank you so much for the wonderful conversation! God bless us and our family! @Matet.”
Well, mukhang nagkausap na nga ang dalawa at naging maganda ang resulta.
Bago ito ay nag-post din si Matet ng throwback photo kung saan kasama nila ang inang si Nora Aunor noong nabubuhay pa ito.
Makikita sa larawan na baby pa si Matet at karga siya ng yumaong Superstar. Sa tabi nila ay sina Ian at Lotlot de Leon na parehong mga bata pa. Lahat sila ay nakangiti sa larawan.
Maikli lang ang caption ni Matet: “We miss you, Ma.”
Marami naman ang natuwa sa mga posts nina Ian at Matet na tila senyales na okay na sila.
“Bakit parang naiiyak ako! Akala mo kapatid din ako. Buti naman po at nagkaayos na kayo,” komento ng isang netizen.
Wish ng mga fans na magkaayos na rin si Ian at ate niyang si Lotlot de Leon.
Matatandaang nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang magkakapatid dahil sa usapin ng mana at sa pagtatayo ni Ian ng Nora Aunor Foundation at Nora Aunor Enterprise.
Ayon kay Lotlot, hindi raw siya naghahabol sa mana, pero sinabi naman ni Ian na hindi niya sinosolo ang mana at hahatiin daw ito nang patas.
Sinabi rin ng aktres na hindi ipinaalam sa kanya ng kapatid ang pagtatayo ng one-person corporation, pero itinanggi ito ng aktor at sinabing nag-meeting daw silang magkakapatid tungkol dito.





Comments