‘Di raw nanliligaw sa bahay at nanghaharana, Jillian… EMAN, UMAMING NAKA-3 GF NA
- BULGAR

- Apr 18
- 4 min read
ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | April 18, 2026

Photo: Eman Bacosa Pacquiao - Instagram
IBINULGAR ng aktor at future world boxing champion na si Eman Bacosa Pacquiao na nagkaroon na siya ng tatlong girlfriends nang mag-guest ito sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) kamakailan lang.
Tinanong ng King of Talk na si Boy Abunda kung paano manligaw si Eman.
Sagot ni Eman, “Through friendship muna s’yempre. Tapos, kinikilala ko muna po s’ya, saka ‘pag once na may ibinigay na sign si Lord, ‘yun na po.”
Dagdag na tanong ni Boy, “Ano ‘yung mga signs na inaabangan mo?”
Saad ni Eman, “Unang-una, godly and family-oriented, importante ang personality din, saka relationship n’ya kay Lord.”
Inamin ni Eman na hindi siya ‘yung tipong umaakyat ng ligaw sa bahay at nanghaharana pero kapag na-in love siya ay matindi. Medyo seloso rin daw siya.
“Paano ka magselos? Delikado ‘to, eh. Boksingero ka,” tanong ni Boy.
Sey ni Eman, “Sinasabi ko lang naman po sa kanya kung may pinagseselosan ako, na dapat ‘wag n’yang gawin ‘yun kaysa magtampo po ako. Pangit naman po ‘yun.”
Napag-usapan din nila ang tungkol sa cryptic post ni Eman at pag-aalis ng ‘JW’ (Jillian Ward sa kanyang TikTok (TT) profile.
Tanong ni Boy, “Pinag-uusapan ang sabi nila, for lack of a better word, cryptic post na, ‘Kaya kong labanan ang isang daang tao, pero ‘di ang tao na gusto mo.’ Tapos, may tinanggal ka sa ‘yong bio na ‘JW’ heart (emoji). Ano ba’ng kuwento sa likod ng mga ‘to?”
Pahayag ni Eman, “Natuwa lang po ako sa post, at naisip ko po na maraming makaka-relate po ru’n. S’yempre, lalo na sa mga cousins mo, kung may cousins kang babae o kapatid na babae. Parang you’re just being protective.”
Hirit na tanong ni Boy, “Tama naman, naintindihan ko ‘yun. Saan ka nagmana sa mga ganyan?”
Saad ni Eman habang natatawa, “Hi, Dad!”
Dagdag na tanong ni Boy, “‘Yung pagtanggal mo naman ng ‘JW’ na may heart du’n sa bio, what is it? Ito ba’y uso? Ano ba ‘to?”
Saad ni Eman, “Tinanggal ko lang po ‘yun kasi ‘pag nandu’n po ‘yun, iniisip po ng mga tao si Jillian, naa-associate po ‘yun sa kanya. Since we’re good friends, tinanggal ko po ‘yun kasi ayaw ko s’yang magkaroon ng issue, ganu’n.”
Well, in fairness kay Eman Bacosa Pacquiao, kuhang-kuha niya ang mga kilos at pananalita ng kanyang father dearest na si Manny Pacquiao.
MORE on Eman Bacosa Pacquiao, “I am praying for you, and I support you,” ang mensahe ng aktres na si Jillian Ward para sa kaibigang boksingero.
Saad ni Jillian, “I hope you stay humble and I hope na ‘di ka magbabago. I hope na kung ano man ang mangyayari sa life mo, lalo na you’re in showbiz, ‘di ka magbabago.
“Stay humble, and do it for God. Mag-focus ka lang parati sa mga dreams mo. Sinabi ko rin sa ‘yo ‘yan na mag-focus ka parati sa sarili mo. Always put yourself first, your family, and God first.
“Most of all, talagang do everything for God. I hope na enjoy-in mo lang lahat. And ‘yun, stay humble. I am praying for you, and I support you.”
Tipong kinilig naman si Eman Bacosa Pacquiao sa mensahe ni Jillian Ward para sa kanya at hindi rin nakalimutang pasalamatan ang kanyang kaibigan.
KAABANG-ABANG ang libreng concert nina Bamboo, Regine Velasquez-Alcasid at ang Your Face Sounds Familiar (YFSF) Season 4 Grand Winners na sina JM Dela Cerna at Marielle Montellano ngayong Linggo, Abril 19, sa A.S.A.P..
Isang matinding opening number ang mapapanood ng mga fans mula kina Bamboo, Darren, Jason Dy, at Jarlo Base kasama ang G-Force at MNVRS Ignite.
Ipagdiriwang ng Asia’s Songbird ang kanyang kaarawan sa isang pangmalakasang birthday concert kasama sina Ogie Alcasid, Yeng Constantino, Jona at Klarisse De Guzman.
Isa pang engrandeng selebrasyon ang dala ng YFSF Season 4 Grand Winners na sina JM at Marielle, kasama sina Zsa Zsa Padilla, Alexa Ilacad, Kai Montinola at Carmelle Collado.
Mag-iinit ang entablado sa handog na performance ng fierce ladies na sina Maymay Entrata, AC Bonifacio, at Jane De Leon kasama ang G-Force.
Mapapakanta rin ang mga fans sa pasabog na performance ng new gen divas na sina Alexa, Kai, Esang de Torres, at Elha Nympha.
Walang bibitaw at tunghayan ang de-kalibreng OPM concert ni Gary Valenciano kasama ang Mapua Cardinal Singers. Kasunod nito ang bonggang kantahan mula kina Erik Santos at Angeline Quinto kasama ang trending duo na sina El Manu at Jessy Kang.
Damhin ang kilig at pag-ibig sa inaabangang duet nina Martin Nievera at Moira.
Handa namang haranahin nina KD Estrada, Jarren Garcia, at Christof ang mga fans sa kanilang pasabog na tugtugan at kantahan.
Tuluy-tuloy ang kasiyahan at selebrasyon sa all-star band finale performance nina Martin, Gary, Regine, Ogie, Zsa Zsa, Erik, Angeline, Yeng, Darren, Jason, Esang, Elha, Nyoy Volante, Khimo Gumatay, at Klarisse.
Magsisilbing hosts ngayong Linggo sina Robi, Darren, at Alexa.
Tutok na sa pinakamatagal at award-winning musical variety show ng bansa na A.S.A.P. sa ABS-CBN sa ALLTV2. Mapapanood din ito sa Kapamilya Online Live, Jeepney TV, A2Z, iWant, at TFC.





Comments