'Di raw missing in action… P-Du30, nag-ikot na sa mga nasalanta ni 'Rolly'

ni Lolet Abania | November 2, 2020

Nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Lunes sa mga lugar na tinamaan ng Super Typhoon Rolly.
Kasama ni Pangulong Duterte si Sen. Bong Go habang sakay ng helicopter na nag-inspeksiyon sa iba’t ibang lugar kung saan inuna nila ang Catanduanes sa mga lalawigang matinding binayo ng bagyo at ang bayan ng Guinobatan, Albay. Lumapag ang chopper sa Guinobatan at nakausap ni P-Duterte ang mga residente roon.
Ayon kay Go, matapos ang kanilang pagbisita sa mga lugar, nakatakdang pulungin ng pangulo ang mga government officials para talakayin ang sitwasyon ng mga nasalanta at pag-uusapan ang gagawing relief at rehabilitasyon sa mga naapektuhan ng bagyo.
Gayundin, binanggit ni Go na ang pangulo ay nasa Davao City nang tumama ang tropical cyclone sa maraming bahagi ng Luzon kahapon.
"Hindi ibig sabihin na nasa Mindanao ang pangulo ay hindi siya nagtatrabaho. 24/7 nagtatrabaho ang ating pangulo at sinisigurado niya na laging handa ang mga ahensiya ng gobyerno na magbigay agad ng immediate assistance sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo," paliwanag ni Go matapos ang mga isyung naglabasan na ‘missing in action’ umano si P-Duterte.
"Halos hindi na ‘yan natutulog para lang makapagserbisyo sa kapwa Pilipino. Hayaan na natin ‘yung ibang bumabatikos, tumulong na lang kayo," dagdag ni Go.





Comments