Di pagtaas ng COVID-19 cases, good news!
ni Ryan Sison - @Boses | March 11, 2022
Positibo ang nakita ng Department of Health (DOH) sa unang linggo ng pagpapatupad ng Alert Level 1 sa Metro Manila at 38 pang lugar sa Pilipinas.
Ayon sa kagawaran, sa ngayon, walang nakitang pagtaas ng COVID-19 cases sa kabila ng pagpapatupad ng Alert Level 1 sa ilang lugar sa bansa.
Matatandaang sa ilalim ng pinakamaluwag na alert level, 100% ang pinapayagang kapasidad sa mga trabaho, establisimyento, pampublikong sasakyan atbp. Pinapayagan na rin ang halos lahat ng aktibidad, basta’t nagsusuot ng face mask at nagpabakuna.
Tinanggal na rin ng Philippine National Police (PNP) ang quarantine checkpoints sa Alert Level 1 areas at sa kasalukuyan, wala pa umanong ‘untoward incidents’ kahit tumaas na ang bilang ng mga nakalalabas at mga nasa kalsada.
Gayunman, naninindigan ang DOH na hindi pa napapanahong ilagay sa Alert Level 1 ang buong bansa.
Kung tutuusin, maraming magandang dulot ang pagpapatupad ng Alert Level 1.
Kabilang na r’yan ang pagbabalik-trabaho ng libu-libo nating kababayan dahil pinapayagan na ang 100% workforce capacity. Ngunit mas magandang balita na walang nakitang pagtaas ng hawahan ng sakit at sana’y magtuluy-tuloy na ito.
Habang umaasa tayong magtuluy-tuloy na ang mga magandang dulot ng pagluluwag, patuloy din nating hinihikayat ang taumbayan na ‘wag magpasaway at makampante. Gaya ng palagi nating paalala, ‘wag makalimot sa mga health protocols. Magkusa tayong sumunod dahil para rin naman ito sa ating ikabubuti.
Isa pa, sana’y ‘wag kalimutang makiisa sa mga programa ng pamahalaan kontra COVID-19.
At higit sa lahat, kailangan natin ang kooperasyon at pang-unawa ng isa’t isa upang mas ligtas tayong makapamuhay sa ‘new normal’.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments