‘Di pagbanggit sa SONA ng isyu ng online gambling at wage hike, nakakadismaya
- BULGAR

- Jul 30
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 30, 2025

Sa bawat taon na lumilipas, mas lalong lumalalim ang sugat na iniiwan ng online gambling sa ating lipunan, lalo na sa mga kabataan at sa mga pamilyang nalulugmok dahil sa bisyong ito.
Kaya nakakabigla na sa dami ng isyung puwedeng talakayin sa State of the Nation Address (SONA), hindi man lang nabanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang online gambling pati na rin ang wage hike na tila dahilan kung bakit marami pa ring naghihikahos sa ating mga kababayan.
Hindi maitago ang pagkadismaya ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), partikular si Rev. Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng Episcopal Commission on Public Affairs, sa tila pagbubulag-bulagan ng administrasyon sa talamak na isyu ng sugal sa internet.
Paulit-ulit na silang nananawagan na supilin ito, ngunit hanggang ngayon, walang konkretong hakbang mula sa pamahalaan. Ang kanilang hinaing ay simpleng pakiusap para sa proteksyon ng kabataan at integridad ng pamilya — mga bagay na dapat inuuna sa mga polisiya.
Pati ang mga lawmakers ay dismayado, dahil sa hindi rin pagbanggit ng Pangulo ng tungkol sa wage hike na isa ring nagiging ugat ng problema sa bansa.
Sa dami ng suliraning kinahaharap ng bansa, totoo namang hindi lahat ay puwedeng sabay-sabay solusyunan. Ngunit kung mas pinili ng Pangulo na hindi tukuyin ang online gambling at wage hike sa kanyang ulat sa bayan, para na rin niyang sinabing hindi ito prayoridad, isang pananaw na maaaring magpalala pa sa umiiral na problema.
Habang ang ibang mga bansa ay mahigpit na kinokontrol o tuluyang ipinagbabawal ang ganitong uri ng sugal, at sinisikap na itinataas ang sektor ng mga manggagawa, tayo ay tila lumulubog pa sa problema ng adiksyon sa sugal at pagsawalang bahala sa mga kababayang nagtatrabaho. Hindi sapat ang kampanya kung hindi sinasabayan ng aktuwal na aksyon.
Para sa akin, dapat ipatupad ng gobyerno ang mas mahigpit na batas laban sa online gambling, isara ang mga illegal platforms, at maglunsad o magkaroroon ng rehabilitasyon para sa mga nalulong dito. Kailangan ding mas paigtingin ang edukasyon tungkol sa panganib ng ganitong bisyo, lalo na sa mga paaralan at lokal na pamahalaan.
At sa kabilang banda, ang patuloy na panawagan para sa wage hike ay dapat binibigyan ng pansin. Hindi luho ang makatarungang sahod, ito ay karapatang dapat ibigay sa bawat manggagawa.
Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa malasakit, at ang malasakit ay nasusukat sa kakayahang pakinggan at tugunan ang hinaing ng mga tunay na nangangailangan. Dahil ang tunay na lider ng isang bansa ay hindi lamang puro salita, kundi kumikilos ng may puso para protektahan ang kinabukasan ng kanyang nasasakupan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments