top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

‘Di pa man Valentine’s Day, ‘love scam’ namamayagpag na

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 2, 2024
3 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 2, 2024


Babala sa publiko at sa mga hopeless romantic hinggil sa nangyayaring ilang uri ng love scam, lalo’t papalapit na ang Valentine’s Day.


Ayon sa ScamWatch Pilipinas, isang cybersecurity advocacy group, isa sa pinakakaraniwang scheme ng mga ito ay ang tinatawag na “sad boi/sad gurl” scam, o kapag ang taong nakakasalamuha o nakikipag-date online ay patuloy na nanghihiram ng pera para sa iba’t ibang uri ng problema o emergency, na sa kalaunan ay igo-ghosting na nila bago pa magkaroon ng pagkakataon na mabayaran ang nabiktima.


Paliwanag ni ScamWatch Pilipinas co-lead convenor Jocel De Guzman, palagi silang mayroong isyu, medical emergency gaya nang ang nanay, tatay o ‘yung pusa ay may sakit. Palagi silang humihingi ng awa. Aniya, magmamakaawa ang mga ito na nanghihingi ng pang-unawa sa bibiktimahin at sa huli, hindi pa man nagkikita na ang pinaka-red flag sa lahat ng love scam, ay uutang na ng pera.


Sinabi rin ni De Guzman na ang iba pang uri ng schemes sa ngayon ay kinabibilangan ng mga cybercriminal na nagpapanggap naman na mga sundalo o servicemen mula sa ibang bahagi ng Asia o sa Middle East, na naghahanap ng tulong pinansyal, o kaya ang tinatawag na “seducers”, kung saan humihingi ng mga nude picture o mga video na gagamitin naman kalaunan sa pamba-blackmail o extortion.


Ang isa pang trick ng mga ito ay ang pagpayag ng biktima na mag-invest ng malaking halaga para i-secure umano ang kanilang kinabukasan bilang mag-asawa.


Binanggit naman ni ScamWatch Pilipinas co-lead convenor Art Samaniego Jr., na sa halip na humingi ng pera, ang gagawin ng mga ito ay iimbitahin ka na mag-invest at partnership, at sasabihin nitong para sa iyong future. Habang ang pinakaepektibong paraan na ginagawa ng mga scammer ay ‘yung investment sa crypto games. Sumunod nito ay ang tinatawag nilang bank trap, kung saan ito ay isang bogus na bank account lamang.


Paalala ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ng Department of Information and Communications Technology (DICT), sa mga mabibiktima ng mga scam na agad na i-report ang nangyari sa hotline 1326.


Ayon kay CICC Executive Director Alexander Ramos, basta sa loob ng 24 oras at ito ay nai-report, mas mataas ang probability na ma-track down at ma-identify ang salarin.


Pero kung magre-report ang mga nabiktima ng mga ilang araw pa matapos ma-scam, huli na para matulungan talaga sila.


Namamayagpag na naman ang mga scammer na walang tigil sa pambibiktima, at ang modus nila ay humingi ng awa o magpaawa. Kung tutuusin, alam na alam nating mahusay talaga ang mga scammer sa panloloko, kaya naman dapat tayong maging mas wais sa kanila. Huwag na basta magtitiwala dahil maaaring nagda-drama lang ang mga ‘yan para tayo ay pasakayin hanggang sa tulungan at bigyan na sila ng pera.


Gayundin, bagama’t walang masama sa pagsunod sa ating puso hinggil sa paghahanap natin ng “the one”, lalo’t ngayon ay love month, dapat siguro na manatili tayong maging makatuwiran habang maging maingat din tayo sa sinasabing red flags at anumang uri ng panloloko.


Sa kinauukulan, galaw-galaw sa panghuhuli ng mga scammer, kung kailangang mag-overtime ay gawin na lang sana para naman totoong mabawasan ang mga mandarambong at hindi press release lang.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page