top of page
TEKA NGA - SEN. ROBIN, NANINIWALANG ‘DI NA KAILANGAN NI DANIEL NG KA-LOVE TEAM-IG _robinpa

‘Di niya raw kayang maging ‘friend’, Anne… ERWAN, MAY PATAMA SA MGA ‘BLIND LOYAL’ SA MGA PULITIKO

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 15
  • 3 min read

ni Beth Gelena @Bulgary | May 15, 2026



BULGARY - ERWAN, MAY PATAMA SA MGA ‘BLIND LOYAL’ SA MGA PULITIKO-IG _erwan

Photo: IG _erwan



Nagbigay ng matinding reaksiyon ang mister ni Anne Curtis na si Erwan Heussaff tungkol sa usapin ng pagkakaibigan at pulitika matapos siyang tanungin ng content creator na si Zac Alvis kung sulit bang masira ang matagal na pagkakaibigan dahil lamang sa magkaibang political opinions.


Diretsahang sagot ni Erwan, “Political opinions, no. But if it crosses into moral territory, yes.”

Ipinaliwanag ni Erwan na hindi simpleng pagkakaiba ng pananaw sa pulitika ang problema kundi kung paano naaapektuhan nito ang moralidad at karakter ng isang tao. 


Aniya, kung kaya pa ring suportahan ng isang tao ang isang lider kahit may mabibigat na alegasyon o malinaw na maling ginagawa, isa itong malaking red flag.


Dagdag pa niya, isa rin sa mga nakikita niyang hindi magandang senyales ay ang pagiging ‘blindly loyal’ sa mga pulitiko — iyong puro magaganda lamang ang kayang sabihin at hindi kayang kilatisin o kuwestiyunin ang mga pagkukulang ng kanilang sinusuportahan.


Ayon kay Erwan, walang perpektong lider kaya mahalagang marunong sumuri at magtanong ang bawat isa sa kanilang paniniwala.


Aniya, “If you can’t challenge your own beliefs, we can’t be friends.”


Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng discernment o tamang paghusga upang masigurong ang mga taong sinusuportahan natin ay tugma pa rin sa ating values at prinsipyo sa buhay.


Si Erwan Heussaff na asawa ni Anne Curtis ay kilala hindi lamang bilang matagumpay na entrepreneur at content creator kundi bilang isa ring personalidad na vocal sa mga isyung may kinalaman sa social responsibility at moralidad.


Marami namang mga netizens ang napa-react sa kanyang pahayag, kung saan may mga sumang-ayon sa kahalagahan ng moral values sa pakikipagkaibigan habang may ilan ding nagsabing dapat pa ring manaig ang respeto sa gitna ng magkakaibang pananaw sa pulitika.





Senado, kahit nagkakagulo na…

SEN. LITO, MAS PINILING MANAHIMIK



Kilala si Sen. Lito Lapid na tahimik at maganda ang record bilang senador.

Muling pinag-uusapan ngayon sa social media si Sen. Lito matapos hangaan ng maraming Pilipino ang kanyang matapang na paninindigan kaugnay ng pagpili ng susunod na Senate President, gayundin ang kanyang matibay na panawagan laban sa vote-buying at korupsiyon.


Sa isang ambush interview matapos ang mainit na usapin tungkol sa liderato sa Senado, naging diretso at simple ang pahayag ng senador.


Aniya, “Hinding-hindi natin kailangang ipagbili ang boto natin. Para sa bayan ang ginagawa ko ngayon. Ayaw ko lang sa hanay nila. Du’n tayo sa tama. Sobrang kawawa na ang bayan natin, ninanakawan na lang palagi. May trabaho naman tayo at kumikita bilang artista.”


Dahil dito, maraming netizens ang napa-react at nagsabing kakaiba raw ang pagiging totoo at prangka ng senador. Para sa ilan, bihira na raw makarinig ng isang pulitiko na hayagang nagsasabing hindi dapat ipinagbibili ang boto at kapangyarihan kapalit ng pansariling interes.


Bukod sa kanyang mga naging pahayag, muling nabuhay online ang diskusyon tungkol sa kanyang naging ambag bilang mambabatas. 


Ayon sa mga ulat tungkol sa kanyang legislative record, nakapaghain si Lapid ng mahigit 263 bills sa kanyang mga unang termino sa Senado, at hindi bababa sa 16 sa mga ito ang naging ganap na batas.


Sa kanyang pagbabalik sa Senado noong mga sumunod na taon, ipinagpatuloy pa rin ni Lapid ang pagsusulong ng mga panukalang may kinalaman sa kalusugan, edukasyon, at social welfare.


Sa kabila nito, hindi pa rin nawawala ang kanyang mga kritiko. Matagal na siyang kinukutya ng ilan dahil umano sa kanyang pagiging tahimik sa plenaryo at kakulangan sa maaanghang na privilege speeches kumpara sa ibang senador.

Ngunit para sa kanyang mga tagasuporta, hindi raw nasusukat sa pagiging maingay ang pagiging epektibong lingkod-bayan.


Sa social media, marami ang nagsasabing mas gusto nila ang isang senador na ‘less talk, more work’ kaysa puro salita ngunit kulang naman sa konkretong ambag.


Hindi perpekto si Sen. Lito Lapid sa paningin ng lahat pero para sa maraming Pilipino, ang kanyang simpleng pananalita, tahimik na trabaho, at diretsahang paninindigan ay patunay na may mga lider pa ring mas pinipiling magsilbi kaysa makisabay sa tradisyunal na laro ng pulitika.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page