'Di naghain ng 'not guilty' plea sa Sandiganbayan... Marcoleta, nagpasaklolo na sa SC
- BULGAR
- 10 hours ago
- 2 min read
ni Jeff Tumbado @News | August 4, 2026

Photo: Rodante Marcoleta / File
Tumanggi si Senador Rodante Marcoleta na maghain ng kanyang plea sa isinagawang arraignment sa Sandiganbayan First Division nitong Lunes kaugnay ng kasong paglabag sa Presidential Decree No. 46, kaya naman ang anti-graft court na ang nagpasok ng not guilty plea para sa kanya.
Ayon sa legal counsel ni Marcoleta na si Atty. Moises Tolentino Jr., tumanggi ang senador na maghain ng plea dahil sa mga nakabinbing petisyon na inihain sa Korte Suprema.
Binasa ni Sandiganbayan First Division Chairperson Associate Justice Maria Theresa V. Mendoza-Arcega sa open court ang kautusan ng hukuman kung saan sinabi na hindi naghain ng plea si Marcoleta dahil sa mga nakabinbing kaso sa Supreme Court.
Alinsunod sa Rules of Court, awtomatikong nagpasok ang Sandiganbayan ng ‘not guilty’ plea para kay Marcoleta bilang tugon sa kanyang pagtangging maghain ng sariling plea.
Samantala, ang kapwa akusado ni Marcoleta na si Aristotle Viray ay kusang naghain ng not guilty plea sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 46, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na tumanggap ng regalo at sa pribadong indibidwal na magbigay nito.
Nahaharap si Marcoleta sa tatlong bilang ng paglabag umano sa PD No. 46 kaugnay ng mga campaign donation na natanggap niya noong tumakbo siya bilang senador noong 2025.
Ang dalawa pang kaparehong kaso laban sa senador ay nakabinbin sa Sandiganbayan Third at Fourth Divisions.
Ang negosyanteng si Joseph Espiritu ang kapwa akusado ni Marcoleta sa kasong hawak ng Third Division, habang ang dating kongresista na si Mike Defensor naman ang kapwa akusado sa kasong nasa Fourth Division.
Kapwa naghain ng not guilty plea sina Espiritu at Defensor sa kani-kanilang arraignment.
Nagpasok din si Marcoleta ng not guilty plea sa dalawa pa niyang kasong nakabinbin sa Third at Fourth Divisions ng Sandiganbayan.

