‘Di na raw ma-take ang mga krimen, PBBM… SEN. ROBIN: IBALIK NA ANG DEATH PENALTY
- BULGAR
- 2 days ago
- 4 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | April 2, 2026

Photo: Robin Padilla / FB
Death penalty na ang nakikitang solusyon ni Sen. Robin Padilla sa malalang kriminalidad na nangyayari ngayon sa ating bansa.
Sa kanyang Facebook post kahapon, mariin ang naging mensahe ng aktor-senador na ganito ang nilalaman, “Marami na naman ang magagalit sa akin! Ibalik na natin ang death penalty! Tsaka pag-usapan kung ano ang mga sakop nito! Sobra na ang krimen, ang pagsasawalang-bahala sa buhay, kahihiyan at karapatan ng bawat Pilipino.”
Mixed ang naging reaksiyon ng mga netizens – may kumokontra pero mas maraming sumasang-ayon sa panukala ni Sen. Robin Padilla.
Narito ang mga komentong mababasa sa naturang FB post ng aktor-senador.
“Death penalty, para sa mahihirap lang ‘yan, ligtas mga mayayaman sa death penalty na
‘yan. ‘Di naman patas ang batas sa Pilipinas. ‘Yung iba talaga is mga bayaran.”
“Tama. Kung gusto nila ng death penalty, unahin na nila ‘yung mga corrupt na pulitiko kahit pa kaalyado nila!”
“Tama po nang magkaroon ng takot ang bawat tao at magkaroon po ng disiplina.”
“Muslim ako kaya wala akong tutol sa ganyan. ‘Yan ang batas ng Islam.”
“Go, go, go po! ‘Yan ang kailangan sa Pilipinas ngayon.”
“Kaya daming druglord, addict at mga magnanakaw sa ating bansa dahil alam nilang wala tayong death penalty. Pati mga banyaga, paborito ang Pilipinas dahil alam nila na walang bitay. Sana maibalik.”
“Puwede ‘yan, Sen. Robin, pati pulitiko na sangkot at mayayaman na sangkot, ‘di dapat ligtas. Kumbaga, pantay-pantay dapat ng hahatulan niyan. Death penalty din sa mga sangay ng gobyerno na magnanakaw sa kaban ng bayan.”
“Hindi papasa ‘yan idol, kasi maraming mamamatay na buwaya ‘pag naipasa ang death penalty.”
“Ang problema, malamang hindi rin naman sila sasang-ayon kung isasama sa death penalty ang corruption sa gobyerno. Takot lang nila maubos.”
“Hindi ‘yan ipapasa sa Kongreso dahil sila ang unang bibitayin.”
“I agree po, lalo na ‘yung mga adik na bigla-bigla na lang pumapatay ng mga inosente. As of now, may napanood akong bata, 5 years old, walang kalaban-laban, walang-awang binugbog, nilaslas ang leeg at pinagsasaksak at ‘yun ang ayokong mangyari sa aking anak o mahal sa buhay. Ibalik ang death penalty.”
“Dapat lang at unahin na mga addict, pusher at mga corrupt sa gobyerno natin. ‘Yan lang ang paraan para malinis ang bansa natin.”
“Mainam sana ‘yan kung mapapatunayan na ‘yung may sala talaga ang s’yang may sala. Pa’no kung fall guy lang or na-frame-up lang at inosente pala, tapos nabitay na? Oh, di ‘yung tunay na may sala, nakakalaya pa.”
“Sang-ayon ako d’yan pero hindi nararapat sa ganitong panahon. Dapat malinis muna ang gobyerno at kunsensiya.”
See? Gising na gising naman ang madlang pipol sa sitwasyon ng ating bayan. Baka si Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na lang ang ‘di pa aware o nagtutulug-tulugan lang, tapos pati tuloy si PBBM ay nakatulog na rin… at baka nahihimbing pa?
O ‘di kaya, baka gising naman pero hindi na talaga alam ang gagawin sa mga problema ng bansa?
Ano sa palagay n’yo, mga Ka-Bulgar nating maraming alam?
Aktres, may ibang labs daw… JILLIAN, NABAWASAN NG FANS NANG LAYUAN NI EMAN
MAY ilang followers ng Kapuso actress na si Jillian Ward ang nakakapansin na mula nang pumutok ang balitang medyo ‘dumistansiya’ na sa kanya si Eman Bacosa Pacquiao, nabawasan na rin daw ang mga fans at followers ng bida sa Never Say Die series ng GMA-7.
Marami kasi ang natuwa at nagsi-ship noon sa tambalang Eman-Jillian dahil bagay na bagay daw ang dalawa at malakas sana ang kanilang chemistry.
Kaya lang, hindi pa man tumatagal ang ‘tambalan’ nila at nagsisimula pa nga lang actually, mukhang sumuko na si Eman dahil naramdaman nitong hindi siya ang gusto ni Jillian.
Na-feel niyang may ibang lalaking nagpapasaya sa puso ngayon ng Kapuso actress kaya madali siyang nag-give-up.
Maging ang mga shippers tuloy nila ay nawalan na ng gana at hindi na rin interesado ang iba kay Jillian at naging solid Eman supporters sila.
May mga nagsasabi rin na ‘wag ipilit ni Eman ang sarili kay Jillian dahil marami pa itong makikilala na mas higit sa Kapuso actress lalo’t isa siyang Pacquiao.
Maraming girls na magaganda, matatalino at may sinasabi rin sa buhay ang tiyak na maghahabol sa kanya dahil anak siya ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao.
Hindi man daw siya belong sa ‘first family’, legal pa rin siyang anak kaya may karapatan siya sa anumang yaman ni Manny Pacquiao.
Naku, may dapat nga bang panghinayangan si Jillian na pinalagpas niya ang isang Eman Bacosa Pacquiao?
PAALALA: Sa mga suki po naming viewers sa BULGARAN NA, pansamantala n’yo munang hindi mapapanood ang ating chikahan ngayong Huwebes at bukas, Biyernes, 3 PM sa BULGAR FB page.
Pero sa Monday, back to regular programming na tayo, mga Ka-BULGAR kaya samahan n’yo si Ateng Janiz Navida.
Abangan din ang aming blind item sa SPILL THE B kasama si Ateng Julie Bonifacio sa Linggo, 6 PM sa BULGAR FB page.
Have a blessed Holy Week, guys!


