‘Di makapaniwala… JUDAY, LOKANG-LOKA NA HALL OF FAMER NA NG MMFF
- BULGAR

- Sep 16
- 4 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | September 16, 2025

Photo: Judy Ann Santos-Agoncillo - IG
Inabot ng walong buwan bago natapos ang Metro Manila Film Festival (MMFF) coffee table book na 50 Years of the MMFF, Limang Dekada: Sine Sigla sa Singkuwenta na ini-launch nu’ng Biyernes, Setyembre 12, sa Manila International Book Fair 2025, SMX, Pasay City.
Siyempre, present sa book launch ang mga miyembro ng MMFF Execom sa pangunguna nina MMDA Chairman Romando “Don” Artes, MMFF Executive Director Atty. Rochelle Ona, Mowelfund Chairperson Boots Anson Roa-Rodriguez, Director Laurice Guillen, Wilson Tieng, MMFF Spokesperson Noel Ferrer, FAP Director General Paolo Villaluna, Direk Joey Romero, OIC of Uniprom and Araneta Group executive Irene Jose atbp..
Pahayag ni Atty. Don Artes, “Sa loob ng mahigit 5 dekada, ang MMFF ay naging tahanan ng mga kuwento at talento ng mga Pilipino. Hindi lamang ito basta festival ng pelikula. Ito ay pagdiriwang ng ating kultura, sining, at pagka-malikhain.
“Ang MMFF coffee table book ay isang paraan upang balikan at ipagdiwang ang ating kasaysayan.”
Makikita sa libro ang mga larawan at kuwento ng mahahalagang sandali at tagumpay ng MMFF. Isa itong alaala ng nakaraan, at inspirasyon para sa hinaharap ng ating pelikulang Pilipino.
Kinilala at pinasalamatan ng MMDA/MMFF chairman ang Hall of Famers ng MMFF dahil sa kanilang natatanging kontribusyon.
Aniya, “Sila ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon at buhay sa pelikulang Pilipino. Maraming salamat sa lahat ng katuwang at sumusuporta sa MMFF, lalung-lalo na sa ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos. Dahil sa inyo, patuloy nating naipapakita sa mundo ang galing ng pelikulang Pilipino.”
Ang ganda ng MMFF coffee table book cover dahil mga larawan ito ng mga icons tulad nina Gov. Vilma Santos-Recto, Christopher de Leon, Vic Sotto, Cesar Montano, Hilda Koronel, Marian Rivera at Dingdong Dantes, Vice Ganda, Dolphy, Nora Aunor at ang The King na si Fernando Poe, Jr..
Kasama rin ang mga larawan ng National Artists sa table of contents: Lamberto V. Avellana, Lino Brocka, Ishmael Bernal, Eddie Romero, Fernando Poe, Jr., Marilou Diaz-Abaya at Ricky Lee.
Anim ang chapters na mababasa sa coffee table book – Light, Shadow, and Story: A Brief History of the Festival; Moviemaking Over the Decades; Stories from the Box Office; Legends & Icons: The MMFF National Artists; MMFF: Evolution, Influence, and Consequence at My MMFF Story.
Ang ABS-CBN Publishing ang naglabas ng 50 Years of the Metro Manila Film Festival, Limang Dekada: Sine Sigla sa Singkuwenta at ang mga nasa likod nito ay sina Ian Reyno, Mark Yambot, Kristine Hernandez, Noella Fonbuena at iba pang naging parte para mabuo ang libro.
Dumalo ang ilang MMFF Hall of Famers na binigyan ng kopya ng coffee table book tulad nina National Artist Ricky Lee, Direk Jose Javier Reyes, Ericson Navarro, Lee Briones-Meily, Roy Iglesias, Judy Ann Santos at Lotlot de Leon (bilang kinatawan ng yumaong ina na si National Artist Nora Aunor).
Nang tanggapin ni Lotlot ang libro, aniya, “It’s an honor to be here among all the greats in our industry. Maraming-maraming salamat sa MMFF.
“Pasensiya po dahil galing pa ako ng Tagaytay. Kahit ano po, gagawin ko para sa aking nanay. “Maraming-maraming salamat po sa pagpupugay once again sa aking ina na si Nora Aunor. At sa lahat po ng nagmamahal sa kanya at hanggang ngayon, pinag-aaralan ang kanyang sining, nawa’y maging inspirasyon po sa lahat ang naging buhay at trabaho ng aking ina.”
Ang speech naman ni Juday nang tanggapin ang libro, “Salamat po sa pagsabing youngest. Minsan ko na lang marinig ‘yan. Kidding aside, salamat po. Napakarami kong magagandang experiences sa lahat ng mga taon na sumali ako sa MMFF mula dalaga pa ako.
“Hindi ko naisip kailanman na makakarating ako sa puntong magiging Hall of Famer ako! Ay, nakakaloka ito!
“Pero sa tiwala ng mga direktor, manunulat at producers na walang tigil na nagbibigay ng magagandang proyekto sa akin, nabuo ako nang husto sa mga pelikulang isinali rito sa MMFF.
“Maraming natutunan, maraming magagandang memories, maraming pagod ang nakamtan ko rito. Pero ‘yung pagod na napaka-worth it kasi marami kang napapasayang mga tao.
“At masaya akong uuwi dahil maipapakita ko sa mga anak ko at asawa ko na kasama ako rito!”
At dahil mabigat ang libro, biro ng aktres, “As in konti na lang, kasimbigat na po s’ya ng trophy noong nakaraang 50th awards night. But again, sa MMDA, Sir, pasalamat po at mabuhay ang pelikulang Pilipino!”
Samantala, sa nasabing book launching ay ipinaalala ni Atty. Artes na extended ang deadline para sa submission ng finished film entries para sa 51st MMFF. Dapat sana ay Setyembre 15 pero gagawing Setyembre 30 na ang huling araw ng pagsusumite.
Sa Oktubre 10 naman ang announcement ng Final 4 entries na kasama sa MMFF ngayong Disyembre.
At dahil successful ang ginanap na MMFF Celebrity Golf Tournament noong 2024, itutuloy ito ngayong 2025 sa Disyembre 9 sa Wack-Wack Golf and Country Club.
Ang Parade of Stars ay sa Disyembre 19 sa Makati City at ang gabi ng parangal ay sa Disyembre 27.








Comments