top of page

‘Di lang pagkuha nang walang paalam... Hindi pagbalik ng napulot na bagay, pagnanakaw na

  • BULGAR
  • Dec 16, 2022
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 16, 2022


Dear Chief Acosta,


May problema ang katrabaho ko dahil inireklamo siya ng kapitbahay niya ng kasong theft dahil hindi diumano nito ibinalik ang cellphone na nakita niya na kalauna’y napag-alamang ang may-ari pala ay ang kapitbahay niya. Posible ba na mareklamo talaga siya? Ang alam kasi namin, ang theft ay pagkuha ng bagay nang walang pahintulot ng may-ari. Sa sitwasyon ng katrabaho ko, wala siyang kinuha dahil nakita lamang niya ang naturang cellphone. Iyon nga lamang, hindi niya ibinalik kahit nalaman na niyang sa kapitbahay niya iyon. - Zayr


Dear Zayr,


Ang krimen na theft ay hindi lamang nagaganap sa pamamagitan ng pagkuha ng personal na gamit o bagay nang walang pahintulot ng may-ari nito. Mayroong ibang pagkakataon na nakasaad sa ating batas, kung saan maaaring masabi na nagawa ang krimen na theft, ang isa na nga rito ay ang hindi pagbabalik ng nawawalang gamit o bagay na nakita o napulot, sa may-ari nito o sa kinauukulan. Alinsunod sa Artikulo 308 ng Revised Penal Code of the Philippines:

Art. 308. Who are liable for theft. — Theft is committed by any person who, with intent to gain but without violence against or intimidation of persons nor force upon things, shall take personal property of another without the latter's consent.

Theft is likewise committed by:

1. Any person who, having found lost property, shall fail to deliver the same to the local authorities or to its owner;

2. Any person who, after having maliciously damaged the property of another, shall remove or make use of the fruits or object of the damage caused by him; and

3. Any person who shall enter an inclosed estate or a field where trespass is forbidden or which belongs to another and without the consent of its owner, shall hunt or fish upon the same or shall gather cereals, or other forest or farm products.” (Binigyang-diin)

Kung sadyang hindi ibinalik ng katrabaho mo ang nawawalang cellphone ng kapitbahay niya, matapos nitong malaman na ang naturang kapitbahay niya ang may-ari, maaari siyang sampahan ng reklamo para sa krimen na theft at kung mapatunayan sa hukuman, sa pamamagitan ng matibay na ebidensya, ang mga elemento ng nabanggit na krimen ay maaari siyang patawan ng kaukulang parusa, alinsunod sa probisyon ng Republic Act No. 10951, depende sa halaga o value ng naturang gamit.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page