‘Di lang extension, dapat epektib na solusyon sa usapin ng PUVMP
- BULGAR
- Jan 26, 2024
- 1 min read
@Editorial | Enero 26, 2024
In-extend ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang deadline para sa consolidation ng mga public utility vehicles bilang bahagi ng PUV Modernization Program.
Ayon sa Presidential Communications Office, pinagbigyan ng Presidente ang rekomendasyon ni Transport Secretary Jaime Bautista, na magbigay ng karagdagang tatlong buwan o hanggang Abril 30 para sa konsolidasyon ng mga pampublikong sasakyan.
Ang extension na ito ay para bigyan umano ng pagkakataon ang mga nagpahayag ng intensyon na magpa-consolidate ngunit inabot na ng cut-off.
Habang may mga jeepney driver at operator naman na hindi nakapag-consolidate at nagsabing papasada pa rin kahit hulihin pagdating ng deadline. Handa umano silang makipagsapalaran kahit makulong.
Paniwala ng ibang transport groups, gagawin lamang umano silang gatasan ng mga promotor sa programa ng modern jeepney.
Sadyang masalimuot ang isyu sa PUVMP, kaya nga sa loob ng mahabang panahon ay hindi pa rin naipatutupad nang lubusan.
Ngayong extended ang consolidation, na nangangahulugang tuloy pa rin sa pasada ang mga tradisyunal na jeep, umaasa tayo na magagamit ang tatlong buwan para mapag-usapan ang lahat ng isyu.
Kailangang matapos na ang usapin nang sa gayun ay pare-pareho nang umusad ang mga nasa sektor ng transportasyon.
Kung kailangang pag-aralan muli at pag-isipan ng iba pang mga paraan kung paano maipatutupad ang modernisasyon sa PUV, gawin na.
Nawa, magtapos ang usapin sa isang programa na epektibo at abot-kaya para lahat panalo -- gobyerno, transport groups at publiko.



Comments