'Di kailangang i-report sa AMLC... P612M withdrawal ng OVP at DepEd, walang duda, lusot sa bangko
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | July 30, 2026

Photo: Senate PH
Lumutang sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang kabuuang ₱612.5 milyon na umano’y inilabas ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng mga tseke na in-encash sa Land Bank of the Philippines.
Ipinagpatuloy nitong Miyerkules ng Senate impeachment court ang paglilitis kaugnay ng alegasyon ng umano’y maling paggamit ng confidential funds ng OVP.
Tumestigo si dating LandBank Shaw Boulevard branch manager Violeta Constantino, na nagsabing “unusual” o hindi pangkaraniwan ang pag-withdraw ng OVP ng kabuuang ₱500 milyon na cash.
Ayon kay Constantino, ang halaga ay mula sa apat na tseke na tig-₱125 milyon na in-encash ng special disbursing officer ng OVP na si Gina Acosta sa magkakahiwalay na pagkakataon mula Disyembre 2022 hanggang Hulyo 2023.
Ang mga tseke ay may petsang Disyembre 20, 2022; Enero 31, 2023; Abril 18, 2023; at Hulyo 13, 2023.
Nang tanungin ni Senator-Judge Erwin Tulfo kung nakakita na siya ng kaparehong transaksyon mula sa ibang ahensya ng pamahalaan, sinabi ni Constantino na wala pa siyang nasaksihang ganitong kalaking cash withdrawal sa loob ng kanyang 32 taon sa LandBank.
Gayunman, nilinaw ng dating branch manager na ang pagiging “unusual” ng transaksyon ay dahil lamang sa laki ng halaga at hindi nangangahulugang awtomatiko itong kahina-hinala o ilegal.
Ipinaliwanag din ni Constantino na hindi na kinailangan pang kuwestiyunin ng bangko ang dahilan ng withdrawal dahil may advance advice na ipinadala ang OVP bago isagawa ang pag-encash ng mga tseke.
Samantala, tumestigo rin si dating LandBank-DepEd branch manager Nenita Camposano bilang ikalawang testigo ng prosekusyon para sa Article 1 ng impeachment case.
Ayon sa prosekusyon, personal umanong nasaksihan at pinangasiwaan ni Camposano ang pag-encash ng tatlong tseke mula sa account ng DepEd na nagkakahalaga ng tig-₱37.5 milyon, o kabuuang ₱112.5 milyon.
Ang mga tseke ay may petsang Pebrero 20, Abril 19, at Hulyo 11, 2023, at nakapangalan kay Edward D. Fajarda, na kinilalang special disbursing officer ng DepEd.
Ayon pa kay Camposano, hindi kinakailangang iulat sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang isang transaksyon kung ito ay "unusual" ngunit hindi naman "suspicious."
Hindi naman kinuwestiyon ng kampo ng depensa ang pagiging tunay ng mga tseke, mga lagda rito, at ang pagkakakilanlan ni Camposano bilang testigo.
Bahagi ang mga testimonya nina Constantino at Camposano ng mga ebidensyang inihaharap ng House prosecution panel upang suportahan ang alegasyon ng umano’y maling paggamit ng confidential funds sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.





Comments