‘Di bakunadong guro, oks na magturo sa F2F classes – DepEd
ni Lolet Abania | August 15, 2022

Papayagan na ngayon ang mga hindi bakunadong guro na magturo sa mga classrooms sa pagbabalik ng face-to-face classes sa Agosto 22, ayon sa Department of Education (DepEd) ngayong Lunes.
Sa isang press conference, sinabi ni DepEd Undersecretary Atty. Revsee Escobedo nasa 37,000 titser ang nananatiling unvaccinated laban sa COVID-19.
Sa nasabing bilang, 20,000 ang nag-commit na tatanggap na ng bakuna, habang ang natitirang 17,000 ay hindi.
“Ang bago nating polisiya ay papayagan na silang mag-report at magturo na rin provided na kailangan lang na they will still follow the minimum public health protocol like wearing of face mask and ‘yung silid-aralan na kanilang pagtuturuan ay dapat maayos ‘yung ventilations,” paliwanag ni Escobedo.
“Wala na po tayong tinatawag na kailangang bakunado o kaya hindi pahihintulutan ‘yung mga hindi bakunado. Sa ngayon ang lahat ng teacher ay magtuturo sa ating estudyante at sila ay magre-report na sa kani-kanilang silid-paaralan,” dagdag pa niya.
Matatandaan na noong Pebrero, inaprubahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang proposal ng DepEd na i-expand ang in-person classes sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2 at pababa, subalit dapat na sumang-ayon ang kinauukulang local government unit (LGU) hinggil dito at ang mga magulang o guardians ay pumayag naman para pisikal na pumasok sa paaralan ang kanilang mga anak.
Dahil dito, mga vaccinated teaching at non-teaching personnel lamang ang pinayagang lumahok sa face-to-face classes, habang mga vaccinated learners ang kanilang piniling mag-participate.
Noong Nobyembre 2021, nagsimula ang pilot testing ng face-to-face classes sa bansa para sa parehong public at private schools na subject naman sa mahigpit na health protocols.
Samantala, sinabi ni Escobedo na ang mga guro na magpapakita ng COVID-19 symptoms ay pinapayuhan manatili sa kanilang tirahan at dapat na magpa-test sa coronavirus.
Ayon pa kay Escobedo, ang mga guro na sumasailalim sa quarantine ay aniya, “excused leave with pay.”
“Kung sila ay nasa bahay, sila ay considered on leave o kaya excused ‘yung kanilang leaves,” saad pa niya.
Kaugnay nito, sinabi ng DepEd na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Health (DOH) para sa roll out ng mobile COVID-19 vaccinations habang nagsasagawa ng counseling sessions para sa mga unvaccinated learners sa mga paaralan.





Comments