DF Republicans, hahamunin ng Generals sa NBL Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 2, 2022

Magiging balot ng inspirasyon at emosyon ang pagbubukas ngayong Linggo ng 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City. Ang palaro ay simbolo ng katatagan ng mga Filipino na bumangon sa gitna ng kalamidad na nanalasa sa Gitnang Luzon nitong nakaraang mga araw.
Haharapin ng 2022 President’s Cup runner-up at host DF Bulacan Republicans ang bisitang Taguig Generals sa tampok na laro ng 6 p.m. Noong Hunyo, ginulat ng dehadong Republicans ang paboritong Generals sa best-of-three semifinals, 2-1, upang tumuloy sa championship subalit winalis sila ng nagkampeon na Pampanga Delta, 2-0.
Sa unang laro, magbabalik sa NBL ang La Union PAOwer matapos lumiban noong President’s Cup. Magtatapat sila sa bagong tatag na Las Pinas Oil Machine simula 4 p.m. at tiyak na gagawin ng mga koponan ang lahat na magpakilala ng mabuti sa kanilang mga tagahanga.
Maliban sa mga mga maglalaro ngayon, may lima pang kalahok sa pangunguna ng defending champion Pampanga. Magbabalik-NBL din ang CamSur Express na huling naglaro noong 2019-2020 President’s Cup at ito ang unang sabak ng mga Bikolano bilang mga ganap na propesyunal.
Bilang patunay ng patuloy na pag-usbong ng NBL, ang Las Pinas ay sasamahan ng mga kapwa baguhan na Muntinlupa Constructions, Laguna Kings at Quezon City All-Stars. Maglalaro ang siyam na koponan ng single round o tig-walong beses bago tumuloy sa playoffs.
Matapos ang pagbubukas ng NBL ay susunod ang pagbukas ng bagong torneo ng Women’s Basketball League (WNBL) ngayong buwan. Gaganapin din ang ika-5 yugto ng WNBL 3x3 sa Oktubre 29.
Mga laro ngayong Linggo – Bulacan Capitol Gymnasium, Malolos City 4:00 PM Las Pinas vs. La Union; 6:00 PM Bulacan vs. Taguig





Comments