DF Republicans at La Union PAOwer, nanligpit sa NBL Cup
- BULGAR
- Oct 5, 2022
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 5, 2022

Naghatid ng maagang pasiklab ang host DF Bulacan Republicans at iniligpit ang bisitang Taguig Generals sa overtime, 107-104, sa pormal na pagbubukas ng 2022 National Basketball League (NBL) Chairman's Cup Linggo ng gabi sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City.
Sa unang laro, nagpasikat ang nagbabalik na La Union PAOwer laban sa bagong tatag na Las Pinas Oil Machine, 130-111.
Lamang ang Generals na may 53 segundo sa orasan, 104-100, at iyon ang hudyat para kay Mark Kenneth Carongoy na pumukol ng limang sunod-sunod na puntos at maagaw ang lamang, 105-104. Tiniyak ni Jobert Mercado ang panalo sa kanyang dalawang free throw na may 3 segundong nalalabi.
Si Mercado rin ang naka-shoot sa huling limang segundo ng 4th quarter upang itakda ang overtime, 88-88. Napiling Best Player si Carongoy na nagbagsak ng 13 ng kanyang 16 puntos sa overtime.
Nanguna sa Republicans ang dating Paranaque Ace na si Gab Capacio na may 25 puntos. Double-double si Christian Necio na 18 puntos at 11 rebound.
Tila walang kalawang ang La Union at humataw agad sa first quarter, 45-27, sa likod ng mga First Five na sina Patrick Pascua, Jap Pambid, John Uduba at Erven Silverie. Umabot ng 29 ang lamang papasok sa huling 8 minuto sa 115-86, sa bisa ng 7 sunod-sunod na puntos Nina Pascua at reserbang si Billy Ray Boado.
Namuno sa La Union si Pambid na may 24 puntos habang bumanat ng anim na tres si Pascua para sa 20 puntos. Apat na iba pang kakampi ang may higit 10 puntos. Lumiban ang PAOwer sa nakaraang President's Cup na tumakbo mula Marso hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan.





Comments