Derozan, swak sa COVID-19 Protocol; Curry may 31 pts.
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 08, 2021

Tabla pa rin ang Phoenix Suns at Golden State Warriors sa karera para sa liderato ng buong NBA matapos magtala ng tagumpay kahapon. Dinurog ng Warriors ang Orlando Magic, 126-95, habang wagi ang Suns sa San Antonio Spurs, 108-104, para maging unang mga koponan na may 20 panalo sa 24 laro ngayong taon.
Kinumpleto ni Chris Paul ang three-point play na may 17 segundo sa orasan upang lumayo ang Suns, 108-102. Nagtapos si CP3 na may 21 puntos at 10 assist at sinundan ni Jae Crowder na may 19 puntos.
Agad namang pinauwi ng Warriors ang Magic salamat sa maaasahang shooting ni Stephen Curry. Pumukol si Curry ng pitong 3-points para sa 31 puntos at 15 na lang ang kailangan upang mapantay ang alamat na si Ray Allen para sa pinakamaraming tres sa kasaysayan ng NBA na may 2,973 mula 1996 hanggang 2014.
Pinaghalong lungkot at ligaya ang dumaan kay DeMar DeRozan ng Chicago Bulls sa loob lang ng 24 oras. Itinanghal ang guwardiya na Eastern Conference Player of the Week subalit biglang tumanggap ng balita na kailangan niyang pumasok sa health protocol ng liga at susuriing mabuti kung may COVID-19 nga ito o wala para matiyak kung makakabalik agad.
Kahit wala si DeRozan at kanyang dalang 26.4 puntos, nagawa pang manalo ng Bulls sa Denver Nuggets, 109-97, sa likod ng 32 puntos ni Zach LaVine.
Kinailangan ng Philadelphia 76ers ng overtime upang talunin ang isa pang koponan na tinamaan ng health protocol na Charlotte Hornets, 127-124, sa likod ng anim ng 43 puntos ni Joel Embiid na may kasamang 15 rebound.
Ipinagdiwang ni Giannis Antetokounmpo ang ika-27 kaarawan sa pagbuhos ng eksaktong 27 puntos at 12 rebound at ipinanalo ang World Champion Milwaukee Bucks laban sa Cleveland Cavaliers, 112-104.





Comments