top of page

Derozan, naka-38 puntos, mga kulelat, nanggulat

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 18, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 18, 2022





Bilog talaga ang bola at ginulat ng mga kulelat sa liga ang mga katunggaling nais pahabain ang sunod-sunod na panalo kahapon. Pangunahin dito ang kakulelat sa liga na Detroit Pistons nang inihinto sa siyam ang tagumpay ng Boston Celtics, 112-111, bumida si Jerami Grant upang maagaw ng Pistons ang lamang, 112-111, at 19 segundo sa orasan. Hinigpitan ng Detroit ang depensa at hindi nagawa nina Jaylen Brown at Jayson Tatum na baligtarin ang resulta pabor sa Celtics.


Nanguna si Grant na may 24 puntos at sinundan nina Saddiq Bey at rookie Cade Cunningham na parehong may tig-20 puntos. Kasabay ng 130-109 tambak ng Atlanta Hawks sa Orlando Magic, umangat na ang Pistons (13-45) sa ilalim ng East. Nagsama sina Jusuf Nurkic at Anfernee Simons para sa 5 puntos sa last 2 minutes upang talunin sa 123-119 ng bisitang Portland Trail Blazers ang Memphis Grizzlies. Nanguna si Nurkic na may 32 puntos habang may 31 si Simons.


Itinakas ng Los Angeles Lakers ang 106-101 ang panalo kontra Utah Jazz taglay ang anim na sunod na panalo bago ang laro. Kinaya ng Lakers ang pagkawala ni Anthony Davis na napilay bago matapos ang first half at si LeBron James na ang naglaro sa sentro tumapos na may 33 puntos.


Nalusutan ng Denver Nuggets at ibinaon ni Monte Morris ang three-points sa huling busina kontra Golden State Warriors, 117-116. Nagtala ng 35 puntos si MVP Nikola Jokic. Kinailangan ng Phoenix Suns ang apat na free throw ni Devin Booker sa huling 10 segundo upang tuldukan ang 24 puntos at hindi mapahiya sa Houston Rockets, 124-121. Sinuportahan siya ni Deandre Ayton may 23 puntos.


Tahimik na bumalik sa solong liderato ng East ang Chicago Bulls sa 125-118 panalo vs. Sacramento Kings. May 38 puntos si DeMar DeRozan. Humabol ang kulang na Brooklyn Nets mula sa 28 puntos upang mabigo ang New York Knicks, 111-106.


Nagwagi ang San Antonio Spurs sa Oklahoma City Thunder, 114-106, Toronto Raptors kontra sa Minnesota Timberwolves. Panalo rin ang Indiana Pacers sa Washington Wizards, 113-108.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page