DepEd, sabit sa P7.6-B kadudang-dudang gastusin!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 04, 2020
NAGKUKULANG NA BA SA DASAL ANG MGA PINOY KAYA ANG DAMING SALOT NA NAKAKAPASOK SA ‘PINAS?—Habang nananalasa ang COVID-19 sa bansa ay sinabayan pa ito ng pananalasa ng mga bagyo at ang masaklap, pagkalabas sa bansa ng Bagyong “Rolly” ay pumasok naman agad ang Typhoon “Siony.”
Dapat yata ay dalas-dalasin na ng mga Pilipino ang pagdarasal kasi tila nagkukulang o nakakalimutan nang magdasal kung kaya’t ang daming salot nang nakakapasok at namemerhuwisyo sa bansa, period!
◘◘◘
BAD NA MAY NABABALITAANG MGA BATANG MAG-AARAL NA KURAKUTAN SA DEPED—Ibinulgar ng Commission on Audit (COA) na higit P7.6 billion ang nawala sa kaban ng bayan na nasa tanggapan ng Department of Education at nang kanila raw tanungin kung nasaan na ang perang ito ng bayan, ang palusot ay may mga pinagkagastusan daw ang DepEd, pero hanapan ng mga dokumento kung saan ito ginastos ay wala naman maipakita.
Kung may delicadeza pa ang mga opisyal ng DepEd, dapat magsipag-resign na sila sa kanilang mga puwesto kasi bad na nababalitaan ng mga batang mag-aaral na ang mga opisyal na nangangasiwa sa edukasyon ng bansa ay nasasangkot sa katiwalian, period!
◘◘◘
TALUPAN ANG MGA ‘BUWAYA” SA DEPED—Matapos ipag-utos ni P-Duterte sa DOJ na imbestigahan ang korupsiyon sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, inihayag ni DOJ Sec. Menardo Guevarra na limang departmento ang una nilang isasalang sa imbestigasyon at ito ay ang PhilHealth, DPWH, Land Administration Authority (LRA), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).
Dapat isama na ng DOJ sa kanilang iimbestigahan ang DepEd para matalupan ang mga “buwaya” rito kasi hindi joke ang P7.6-B kaban ng bayan na nawawala sa departamentong ito, boom!





Comments