DepEd: 18.6 M estudyante naka-enroll na para sa SY 2022-2023
ni Lolet Abania | August 10, 2022

Mahigit sa 18.6 milyong estudyante sa basic education ang naka-enroll na para sa School Year 2022-2023, ayon sa Department of Education (DepEd) ngayong Miyerkules.
Sa isang press conference, sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa na ang bilang ay nasa tinatayang “64 to 67 percent” na ng target ng ahensiya na 28.6 milyong learners.
Hinimok naman ni Poa ang mga magulang na ipa-enroll na ang kanilang mga anak sa lalong madaling panahon upang makatulong sa mga paaralan na makapaghanda para sa napipintong school year.
“Ang experience [kasi] natin in previous years, sa last day of enrollment and even during bukas na ‘yong schools, tumatakbo ‘yong klase, nag-e-enroll pa ‘yong learners,” saad mi Poa.
Paliwanag ni Poa, ang tinatawag na “concrete” enrollment figures ay maaaring makatulong sa DepEd na epektibong maipatupad ang kanilang mga istratehiya kaugnay sa COVID-19, dengue, monkeypox at sa lindol sa North Luzon.
Ayon pa sa DepEd, ang enrollment ay mula Hulyo 25 hanggang Agosto 22 o ang unang araw ng klase.





Comments