top of page
Search
  • BULGAR

Dengue cases sa bansa, grabe na

ni Ryan Sison - @Boses | August 17, 2022


Lumagpas na sa 100,000 ang naitalang dengue cases sa bansa.


Ito ayon sa pagtaya ng Department of Health (DOH), kung saan mula Enero 1 hanggang Hulyo 30, nakapagtala ang bansa ng 102,619 dengue cases o katumbas ng 131% pagtaas mula sa 44,361 kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon.


Karamihan umano sa dengue cases ay mula sa Central Luzon (18,664 o 18%), Central Visayas (10,034 o 10%) at National Capital Region (8,870 o 9%).


Gayunman, noong Hulyo 3 hanggang 30, nakapagtala ng 23,414 dengue cases sa iba’t ibang rehiyon kabilang ang Central Luzon, 5,838 cases or 25%; Metro Manila, 2,689 cases o 11%; Calabarzon, 2,369 cases o 10%.


Samantala, sa nakalipas na apat na linggo, siyam sa 17 rehiyon ang lumagpas sa “epidemic threshold”, kung saan nakita ang patuloy na pagtaas ng trend sa Mimaropa at Western Visayas.


Habang ang 368 dengue-related death o katumbas ng 0.4% case fatality rate ang naiulat.


Ang mga naturang pagkamatay sa sakit ay naitala noong Enero, 35; Pebrero, 31; Marso, 38; Abril, 46; Mayo, 64; Hunyo, 74; at Hulyo, 80.


Dahil dito, patuloy na hinihikayat ng DOH ang publiko, gayundin ang mga lokal na pamahalaan na sundin ang 4S strategy o Search and destroy breeding places; Secure self-protection; Seek early medical consultation; at Support fogging/spraying in hot spot areas.


Sa totoo lang, hindi na bago ang dengue tuwing panahon ng tag-ulan, pero ang nakakabahala ay ang dami ng naitalang kaso ng sakit ngayong taon.


Marahil, kabilang ‘yan sa pangamba ng ilang mga magulang, lalo pa’t nalalapit na ang pagbubukas ng klase ngayong buwan.


Gayunman, naniniwala tayong ginagawa ng mga kinauukulan, gayundin ang pamunuan ng mga paaralan ang kanilang makakaya upang matiyak na ligtas sa COVID-19 at dengue ang mga mag-aaral, pero bilang mamamayan, obligasyon din nating panatilihing malinis ang ating paligid at mag-ingat laban sa mga sakit.


Habang patuloy na tumataas ang bilang ng kaso ng dengue, sana’y kinakaya pa ng ating health workforce ang pagtugon sa mga tinatamaan ng sakit.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page