top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Dengue at leptospirosis tumaas, 56 pang Omicron subvariants nasa ‘Pinas na

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 27, 2023
4 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 27, 2023



Ilang araw na tayong nakatutok sa naglalakihang balita tungkol sa sunud-sunod na lindol, hindi lang sa Turkey kundi maging sa Pilipinas at ang magkasunod na pagbagsak ng Cessna plane sa Isabela province at Daraga, Albay.


Sa napakakaraming balita na naglalabasan, tila nakalimutan natin na nasa panahon pa rin tayo ng pandemya at may mga health protocol pa ring umiiral, gayundin, may mga binabawian pa ng buhay, hindi lang dahil sa COVID-19 dahil maging sa dengue at leptospirosis.


Medyo nakakaalarma na tumaas nang 69 porsyento ang kaso ng dengue sa bansa mula Enero 1 hanggang 28 ng taong kasalukuyan, ayon sa pinakahuling Disease Surveillance report na inilabas noong nakaraang Martes.


Ayon naman sa ulat na inilabas ng Department of Health (DOH), umabot sa kabuuang 7,804 kaso ng dengue ang natukoy sa unang buwan pa lamang ng taon na mas mataas sa 4,610 kaso naitala sa parehong panahon noong 2022.


Ang medyo nakakagaan lang ng loob, bagama’t mabigat pa rin ay mas bumaba ang bilang ng namatay ngayong unang buwan ng taon na umabot lamang sa 22 katao kumpara sa 38 nasawi noong unang buwan ng nakaraang taon.


Ang may pinakamaraming bilang ng kaso ng dengue ay naitala sa Central Luzon na may 1,032; National Capital Region 1,081; Zamboanga Peninsula-834; Northern Mindanao-821 at Calabarzon na may 639.


Base sa pahayag ng DOH, ang dengue bilang fastest-spreading vector-borne disease sa mundo na endemic sa 100 bansa ay wala talagang lunas, ngunit kung maagang matutukoy at mapapamahalaan nang maayos ay marami naman ang nakakaligtas.


Kaya mariin ang bilin ng DOH sa lahat ng ating mga kababayan na pagtulung-tulungang puksain ang dengue sa pamamagitan ng 4S strategy: Search and destroy, Seek early consultation; Self-protection measures; at Say yes to fogging during outbreaks.


Pero sa gitna nang pagtaas ng bilang ng kaso ng dengue, nais ko lamang paalalahanan ang ating mga kababayan na huwag magbibigay ng kumpiyansa sa kaluwagang tinatamasa natin sa kasalukuyan dahil ayon mismo sa DOH, natukoy na sa Pilipinas ang 56 karagdagang kaso ng Omicron subvariants.


Ang Southern Philippines Medical Center (SPMC) at ang University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC) Main at Visayas ang nagsagawa nang pagsusuri na hindi bababa sa 64 na sample mula Pebrero 13 hanggang 17.


Ayon sa paliwanag ng DOH, lumalabas na sa 64 sample na 28 ang inuri bilang BA.2.3.20, habang 16 ang XBB variant na patuloy na kumakalat sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.


Nilinaw pa ng DOH na hindi bababa sa dalawang kaso ang bawat isa sa BQ.1 at XBC ay nakita, habang walong kaso ng iba pang mga sublineage ng Omicron ang naitala.


Marapat lamang na maging alerto dahil lahat umano ng 28 kaso ng BA.2.3.20 ayon sa DOH ay natukoy sa mga lugar ng Region 1, 3, 4A, 4B, 5, 6, 12, at National Capital Region (NCR).


Ngunit sa 16 na bagong kaso ng XBB, isa ang returning overseas Filipino (ROF) at 15 ay local cases mula sa Regions 3, 4A, 6, 12, Caraga, at NCR ang nakumpirma at patuloy pa sa pagkalat.


Inihabol pa ng DOH na ang dalawang karagdagang kaso ng BQ.1 ay mula sa Region 6 at NCR, habang ang dalawang kamakailang natukoy na kaso ng XBC ay mula naman sa Region 11.


Nagbigay naman ng pahayag ang World Health Organization (WHO) na ang XBF, XBB.1.5, at CH.1.1 na nasa listahan ng “mga subvariant ng Omicron ay masusing sinusubaybayan dahil kinakakitaan umano ito mabilis at malakas na pagkalat.


Samantala, umabot naman sa 4,157 kaso ng leptospirosis ang naitala sa buong bansa, ayon din sa pinakahuling disease surveillance report ng DOH na kinalap mula Enero 1 hanggang Disyembre 10 noong nakaraang taon.


Tumaas ito nang 119 porsyento kumpara noong sinundang taon na nasa 1,900 lamang ang kaso ng leptospirosis at hindi pa nailalabas ang kabuuang ulat ngayong taon dahil Pebrero pa lamang, ngunit tumatas na rin ang bilang ng kaso, kaya kailangan na rin ang ibayong pag-iingat.


Ang NCR ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng kaso na 832 na sinundan ng Western Visayas na may 554 kaso at Cagayan Valley na may 455 kaso.


Ang Soccsksargen ay nakapagtala naman ng pinakamataas na pagtaas ng kaso na 900 porsyento o mula sa 3 ay naging 30; Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao-850 porsiyento o mula 2 ay naging 19 at Zamboanga peninsula-497 porsiyento o mula 33 ay naging 197.


Base sa datos na inilabas ng Epidemiology Bureau ng DOH, umabot sa 491 ang nasawi sa leptospirosis noong nakaraang taon sa kabila ng malawakang paalala at babala upang makapag-ingat dahil hindi gaanong pinapansin ang leptospirosis.


Ayon sa WHO ang leptospirosis ay isang bacterial disease na puwedeng makaapekto sa tao o hayop at maging sanhi ng kamatayan kaya marapat lamang na magdoble-ingat.


Sa tindi nang epekto ng pandemya dulot ng COVID-19 na ngayon ay lumamya na ang sitwasyon dahil karamihan ay protektado na ng bakuna, tila marami ang nag-aakala na mas kayang-kaya na nila ang dengue at leptospirosis na isang malaking pagkakamali kaya dapat pa rin ang pag-iingat.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page